1Nais kong malaman ninyo kung gaano ako nagsikap para sa inyo, ganoon din sa mga nasa Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakilala sa akin nang personal.
2Ginagawa ko ito upang palakasin ang loob ninyong lahat at pag-isahin kayo sa pag-ibig. Sa ganoon, malalaman at mauunawaan nʼyo nang lubos ang lihim na plano ng Diyos tungkol kay Kristo.
3Si Kristo ang pinagmumulan ng lahat ng karunungan at kaalaman.
4Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang hindi kayo malinlang ninuman sa pamamagitan ng magagaling nilang pangangatwiran.
5Kahit hindi ko kayo kapiling, palagi kayong nasa isipan ko. At masaya ako dahil maayos ang pamumuhay nʼyo at matatag ang inyong pananampalataya kay Kristo.
6Dahil tinanggap na ninyo na si Kristo Hesus bilang Panginoon, mamuhay kayo nang karapat-dapat sa kanya.
7Patuloy kayong lumago at tumibay sa kanya. Magpakatatag kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at maging mapagpasalamat din kayo.
8Maging mapanuri kayo nang hindi kayo madala ng walang kabuluhan at mapanlinlang na pilosopiya. Mga tradisyon lamang ito at mga pamamaraan ng mundo, at hindi mula kay Kristo.
9Sapagkat ang kaganapan ng Diyos ay nananahan kay Kristo, sa katawang lupa niya.
10At naging ganap kayo sa pakikipag-isa nʼyo sa kanya, na siyang pangulo ng lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan.
11Dahil sa pakikipag-isa nʼyo kay Kristo, tinuli na kayo. Ang pagtutuling ito ay hindi pisikal kundi espirituwal – ang pag-aalis ng masasamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Kristo.
12Inilibing kayong kasama ni Kristo nang bautismuhan kayo. At dahil nakay Kristo na kayo, muli kayong binuhay na kasama niya, dahil nananalig kayo sa kapangyarihan ng Diyos na bumuhay sa kanya.
13Noong una, itinuring kayong mga patay dahil sa mga kasalanan ninyo. Subalit ngayon, binuhay kayo ng Diyos kasama ni Kristo. Pinatawad niya ang lahat ng ating kasalanan
14at binura ang listahan ng mga kasalanang dapat nating panagutan. Pinawalang-bisa niya ito at kasama niyang ipinako sa krus.
15Doon din sa krus nilupig ng Diyos ang mga espiritung namumuno at may kapangyarihan, at ipinakita sa lahat na ang mga ito ay bihag na niya.
16Kaya nga, huwag na kayong padadala sa mga tao na nagsasabi sa inyo kung ano ang hindi dapat kainin o inumin, o kung ano ang dapat gawin tuwing kapistahan, Pista ng Pagsisimula ng Buwan, o Araw ng Pamamahinga.
17Anino lamang ang mga ito ng inaasahan noon na darating, at si Kristo ang katuparan nito.
18Huwag kayong padadaya sa mga taong nanghihikayat na kailangan ninyong pagkaitan ang sarili nʼyo at sambahin ang mga anghel. Pinaninindigan nila ang mga ito dahil sa mga pangitain nila na pagyayabang lang, walang kabuluhan, at gawa-gawa lang ng makamundo nilang pag-iisip.
19Wala silang kaugnayan kay Kristo na siyang ulo natin. Siya ang nag-uugnay at nag-aalaga sa atin na kanyang katawan sa pamamagitan ng mga magkakaugnay na bahagi nito. Sa ganoon, lumalago tayo nang naaayon sa Diyos.
20Namatay kayong kasama ni Kristo, at pinalaya sa mga walang kabuluhang pamamaraan ng mundo, ngunit bakit makamundo pa rin ang inyong pamumuhay? Bakit sumusunod pa rin kayo sa mga tuntuning tulad ng,
21“Huwag hahawak nito! Huwag titikim niyon! Huwag hihipo niyan!”?
22Ang mga itoʼy batay lang sa utos at turo ng tao tungkol sa mga bagay na nawawala pagkatapos kainin o inumin.
23Sa unang tingin, wariʼy may karunungan ang mga ganitong katuruan tungkol sa gusto nilang pagsamba, pagpapakumbaba, at pagpapahirap sa sariling katawan. Subalit ang totoo, wala namang naitutulong ang mga ito sa pagpipigil sa masasamang hilig ng laman.