Ezekiel 34

Ang Panginoon ang magiging Pastol ng Israel

1Nagpahayag ang Panginoon sa akin:

2“Anak ng tao, magsalita ka laban sa mga bantay ng Israel. Sabihin mo sa kanila na ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay nagsasabi: Nakakaawa ang mga bantay ng Israel. Ang sarili lang ninyo ang inyong inaalagaan! Hindi ba ang mga bantay ang dapat nag-aalaga sa mga tupa?[#34:2 : Ang ibig sabihin, pinuno ng Israel.]

3Iniinom ninyo ang gatas nila, ginagawang damit ang mga balahibo nila at kinakatay ninyo ang mga malulusog na hayop, pero hindi ninyo sila inaalagaan.

4Hindi ninyo pinalalakas ang mahihina, hindi ninyo ginagamot ang mga maysakit o hinihilot at binebendahan ang mga pilay. Hindi ninyo hinahanap ang naliligaw at nawawala. Sa halip, pinagmalupitan nʼyo pa sila.

5At dahil walang nagbabantay sa kanila, nangalat sila at nilapa ng mababangis na hayop.

6Naligaw ang mga tupa ko sa mga bundok at burol. Nangalat sila sa buong mundo at walang naghanap sa kanila.

7“Kaya kayong mga bantay, pakinggan ninyo ang sasabihin ng Panginoon :

8Ako, ang Makapangyarihang Panginoon na buhay, ay sumusumpa na parurusahan ko kayo dahil hindi ninyo binantayan ang aking mga tupa, kaya sinalakay sila at nilapa ng mababangis na hayop. Hindi ninyo sila hinanap, sa halip sarili lang ninyo ang inyong inalagaan.

9Kaya kayong mga bantay, pakinggan ninyo ang mga sinasabi ng Panginoon .

10Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon : Kalaban ko kayo, at may pananagutan kayo sa nangyari sa aking mga tupa. Hindi ko na ipagkakatiwala sa inyo ang aking mga tupa dahil ang sarili lang ninyo ang inyong inaalagaan. Ililigtas ko ang mga tupa mula sa inyo upang hindi na ninyo sila makain.

11“Sapagkat ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon : Ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa at mag-aalaga sa kanila.

12Akoʼy magiging tulad ng pastol na naghahanap sa kawan niyang nakakalat. Ililigtas ko sila saang lugar man sila nakakalat noong panahon ng kaguluhang iyon.[#34:12 : Sa literal, madilim at maulap na araw.]

13Titipunin ko sila mula sa ibaʼt ibang bansa at dadalhin sa sarili nilang lupain. Doon ko sila aalagaan sa mga kabundukan ng Israel, sa tabi ng ilog at mga lupang tinitirhan ng tao.

14Dadalhin ko sila sa sariwang pastulan sa kabundukan ng Israel. Dooʼy manginginain sila habang namamahinga.

15Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang mismong mag-aalaga sa aking mga tupa, at silaʼy aking pagpapahingahin.

16Hahanapin ko ang mga nawawala at ang mga naliligaw. Gagamutin ko ang mga may sugat at may sakit, palalakasin ko ang mahihina. Ngunit lilipulin ko ang matataba at malalakas na tupa. Gagawin ko sa kanila kung ano ang nararapat.

17“Mga mamamayan ng Israel na aking mga kawan, ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay nagsasabi sa inyo na hahatulan ko kayo. Ibubukod ko ang mabubuti sa masasamâ, ang mga tupa sa mga kambing.

18Hindi pa ba kayo nasisiyahan sa magandang pastulan; tinatapak-tapakan pa ninyo ang ibang pastulan? At hindi rin ba kayo nasisiyahan na nakakainom kayo ng malinaw na tubig at pinalabo pa ninyo ang ibang tubig?

19Manginginain na lang ba ang iba kong mga tupa sa mga pinagtapak-tapakan ninyo? At ang iinumin na lang ba nila ay ang tubig na pinalabo ninyo?

20“Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabing, ibubukod ko ang matatabang tupa sa mga payat.

21Sapagkat ginigitgit ninyo at sinusuwag ang mahihina hanggang sa silaʼy lumayo.

22Ililigtas ko ang aking mga tupa at hindi ko na papayagang apihin silang muli. Ibubukod ko ang mabubuti sa masasamâ.

23Bibigyan ko sila ng isang tagapagbantay na mula sa lahi ng lingkod kong si David. Siya ang magbabantay at mag-aalaga sa kanila.

24Ako, ang Panginoon , ang magiging Diyos nila, at ang lahi ng lingkod kong si David ang kanilang magiging tagapamahala. Ako, ang Panginoon , ang nagsasabi nito.

25“Gagawa ako ng kasunduan sa kanila na magiging mabuti ang kanilang kalagayan. Palalayasin ko ang mababangis na hayop sa lupain nila upang makapanirahan sila sa ilang at makatulog sa kagubatan nang ligtas sa panganib.

26Pagpapalain ko sila at ang mga lugar sa paligid ng aking banal na bundok. Padadalhan ko sila ng ulan sa tamang oras bilang pagpapala sa kanila.

27Mamumunga ang mga punongkahoy at mga pananim nila, at mamumuhay silang ligtas sa anumang panganib. Malalaman nilang ako ang Panginoon kapag pinalaya ko na sila sa mga umalipin sa kanila.

28Hindi na sila aabusuhin ng ibang mga bansa at hindi na sila lalapain ng mga mababangis na hayop. Mamumuhay silang ligtas sa panganib at wala nang katatakutan.

29Bibigyan ko sila ng matabang lupain na magbibigay ng masaganang ani upang hindi sila magutom o kutyain ng ibang bansa.

30At malalaman nila na ako, ang kanilang Panginoong Diyos na kasama nila, at silang mga mamamayan ng Israel, ang aking mga mamamayan, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .

31Kayo ang mga tupa sa aking pastulan, kayo ang aking mga mamamayan, at ako ang inyong Diyos, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.