1Si Raquel ay hindi pa rin nagbubuntis, kaya nainggit siya kay Lea. Sinabi niya kay Jacob, “Bigyan mo ako ng anak dahil kung hindi, mamamatay ako!”
2Nagalit si Jacob sa kanya at sinabi, “Bakit, ako ba ang Diyos? Siya ang pumipigil sa iyong magkaanak.”
3Sinabi ni Raquel, “Kung ganoon, sumiping ka kay Bilha na alipin ko upang sa pamamagitan niyaʼy magkaroon din ako ng anak.”
4Kaya ibinigay niya si Bilha kay Jacob bilang asawa, at sumiping si Jacob kay Bilha.
5Dumating ang panahon, nabuntis si Bilha at nanganak ng lalaki.
6Sinabi ni Raquel, “Kinuha na ng Diyos ang aking kahihiyan. Tinugon niya ang panalangin ko dahil binigyan niya ako ng isang anak na lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Dan.[#30:6 : Ang ibig sabihin, kinuha niya ang aking kahihiyan.]
7Muling nagbuntis si Bilha na alipin ni Raquel at nanganak ng lalaki na pangalawang anak nila ni Jacob.
8Sinabi ni Raquel, “Napakahigpit ng labanan namin bilang magkapatid, at nagtagumpay ako.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Neftali.[#30:8 : Ang ibig sabihin, mahigpit ang labanan.]
9Nang hindi na magkaanak si Lea, pinasipingan niya kay Jacob ang alipin niyang si Zilpa.
10Nabuntis si Zilpa at nanganak ng lalaki.
11Sinabi ni Lea, “Mapalad ako.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Gad.[#30:11 : Ang ibig sabihin, pinalad.]
12Muling nanganak si Zilpa ng lalaki na pangalawang anak nila ni Jacob.
13Sinabi ni Lea, “Lubha akong nasisiyahan! Ngayon tatawagin ako ng mga babae na masiyahin.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Asher.[#30:13 : Ang ibig sabihin, masiyahin.]
14Anihan ng trigo noon, pumunta si Ruben sa bukid at may nakita siyang tanim na mandragora. Kumuha siya ng bunga nito at dinala sa ina niyang si Lea. Pagkakita noon ni Raquel ay sinabi niya kay Lea, “Bigyan mo rin ako ng mandragora na dinala ng anak mo.”
15Ngunit sumagot si Lea, “Hindi ka pa ba kontento na kinuha mo ang asawa ko? Ngayon, kukunin mo pa ang mandragora ng anak ko?”
Sinabi ni Raquel, “Kung bibigyan mo ako ng mandragora pasisipingin ko si Jacob sa iyo ngayong gabi.”
16Takipsilim na nang dumating si Jacob mula sa bukid. Sinalubong siya ni Lea at sinabi, “Sa akin ka sisiping ngayong gabi, dahil binayaran ko na ang upa mo kay Raquel gamit ang mandragora ng anak ko.” Kaya sumiping si Jacob kay Lea nang gabing iyon.
17Sinagot ng Diyos ang panalangin ni Lea at siyaʼy nabuntis. Nanganak siya ng lalaki na ikalimang anak nila ni Jacob.
18Sinabi ni Lea, “Ginantimpalaan ako ng Diyos dahil ibinigay ko ang alipin ko sa aking asawa.” Kaya pinangalanan niya ang kanyang anak na Isacar.[#30:18 : Maaaring ang ibig sabihin, gantimpala.]
19Muling nabuntis si Lea at nanganak ng lalaki na ikaanim nilang anak ni Jacob.
20Sinabi niya, “Binigyan ako ng Diyos ng mabuting regalo. Pararangalan na ako nito ngayon ng asawa ko dahil nabigyan ko na siya ng anim na anak na puro lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Zebulun.[#30:20 : Maaaring ang ibig sabihin, karangalan.]
21Hindi nagtagal nanganak si Lea ng babae at pinangalanan niyang Dina.
22Hindi rin kinalimutan ng Diyos si Raquel. Sinagot niya ang kanyang panalangin na magkaanak din siya.
23Nagbuntis siya at nanganak ng lalaki. Sinabi niya, “Inalis ng Diyos ang aking kahihiyan.”
24Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Jose dahil sinabi niya, “Nawaʼy bigyan ako ng Panginoon ng isa pang anak.”[#30:24 : Maaaring ang ibig sabihin, inalis niya o binigyan pa ng isa.]
25Pagkatapos na ipanganak ni Raquel si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Pahintulutan nʼyo akong makauwi sa lugar namin.
26Ibigay nʼyo sa akin ang mga asawa ko, na ipinaglingkod ko sa inyo, at ang mga anak ko, dahil babalik na ako sa amin. Nalalaman nʼyo kung paano ako naglingkod sa inyo.”
27Sumagot si Laban, “Kung maaari huwag muna. Ayon sa pagpapahula ko, nalaman ko na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo.
28Sabihin mo lang kung magkano ang ibabayad ko sa iyo at babayaran kita.”
29Sinabi ni Jacob, “Alam mo kung paano ako naglingkod sa inyo at kung paano dumami ang mga hayop ninyo dahil sa pag-aalaga ko.
30Nang dumating ako rito, kakaunti pa lang ang mga hayop nʼyo, ngunit ngayon ay napakarami na, dahil pinagpala kayo ng Panginoon dahil sa akin. Ngayon, dapat na sigurong magsumikap ako para sa sarili kong sambahayan.”
31Nagtanong si Laban, “Ano ba ang gusto mong ibayad ko sa iyo?”
Sumagot si Jacob, “Huwag nʼyo na lang po akong bayaran. Ipagpapatuloy ko ang pag-aalaga sa inyong mga kawan kung papayag kayo sa aking kundisyon:
32Titingnan ko ngayon ang mga hayop nʼyo at ibubukod ko ang itim na mga tupa at batik-batik na mga tupa at kambing. Iyon na lang ang pinakabayad nʼyo sa akin.
33Balang araw, mapapatunayan ninyo ang aking katapatan tuwing susuriin nʼyo ang mga hayop na ibinayad nʼyo sa akin. Kung may makikita po kayong kambing na hindi batik-batik o tupa na hindi itim, ituring nʼyong ninakaw ko ito.”
34Sumagot si Laban, “Kung ganyan ang gusto mo, payag ako.”
35Ngunit nang araw ding iyon, ibinukod ni Laban ang mga batik-batik na kambing na lalaki at babae, pati ang mga itim na tupa. Pinaalagaan niya ito sa mga anak niyang lalaki.
36Ibinukod niya ito kay Jacob sa layo na tatlong araw kung lalakarin. Ang naiwang mga hayop ay ang binabantayan ni Jacob.
37Samantala, kumuha si Jacob ng mga sanga ng alamo, almendra, at platano, at binalat-balatan niya ito. Ngunit hindi niya lubos na binalatan, kaya may batik-batik na puti kapag tiningnan ang mga sanga.
38Inilagay niya ang mga sangang iyon sa painuman upang nasa harapan ng mga kawan kapag umiinom sila, sapagkat doon nagkakastahan ang mga ito.
39At kapag nagkakastahan ang mga ito sa harap ng mga sanga, ang mga ipinapanganak nila ay nagiging batik-batik.
40At ibinukod ni Jacob ang mga anak nila sa kawan. Ngunit ang iba habang nagkakastahan ay pinapaharap niya sa mga batik-batik at mga itim na kambing ni Laban. Kaya nakaipon din si Jacob ng sarili niyang mga kawan at hindi niya ito isinama sa mga kawan ni Laban.
41Kapag nagkakastahan na ang mga hayop na maganda ang katawan doon sa pinag-iinuman, inilalagay agad ni Jacob ang mga sangang iyon sa harapan ng mga ito.
42Ngunit kapag ang mga hayop na matatamlay ang nagkakastahan, hindi niya inilalagay ang mga sanga, kaya ang mga matatamlay ay kay Laban at ang mga masisigla ang katawan ay kay Jacob.
43Sa ganitong paraan, labis na yumaman si Jacob. Dumami ang kawan niya pati na ang mga kamelyo at asno. Dumami rin ang alipin niyang lalaki at babae.