1Sa araw na iyon,
gagamitin ng Panginoon
ang kanyang matalim
at makapangyarihang espada
upang parusahan ang Leviatan,
ang dragon sa karagatan
at papatayin ang maliksi
at gumagapang na dambuhala sa dagat.
2“Sa araw na iyon,
aawit kayo tungkol sa ubasan
na umaani nang sagana.
3Ako ang Panginoon
na nag-aalaga ng ubasan.
Dinidiligan ko ito.
Araw-gabi ko itong binabantayan
upang walang sinumang manira nito.
4Hindi na ako galit
sa ubasang ito.
Ngunit sa sandaling may makita akong
mga halamang may tinik,
tatanggalin ko iyon at susunugin.
5Ngunit kung nanaisin nilang
akin silang alagaan,
ang kailangan lang nilang gawin
ay makipagkasundo sa akin.”
6Darating ang araw na ang mga mamamayan
ng Israel na lahi ni Jacob
ay magkakaugat tulad ng halaman.
Magkakasanga ito, mamumulaklak,
at mamumunga ng marami
at pupunuin ang buong mundo.
7Hindi pinaparusahan ng Diyos ang Israel
katulad ng pagpaparusa niya
at pagpatay sa mga kaaway nila.
8Ipinabihag ng Panginoon
ang kanyang mga mamamayan
bilang parusa sa kanila.
Ipinatangay niya sila
sa napakalakas na hangin
mula sa silangan.
9Mapapatawad lang sila
kung gigibain nila
ang kanilang mga altar na bato
at kung didikdikin ang mga ito ng pino
at itatapon ang mga posteng imahen
ni Ashera,
at ang mga altar na pinagsusunugan nila
ng insenso.
10Nawasak na ang tanggulang lungsod.
Para na itong ilang.
Wala nang nakatira rito.
Naging pastulan na lang ito
at pahingahan ng mga baka.
Inubos ng mga baka
ang mga dahon ng mga sanga.
11At nang mabali at matuyo ang mga sanga,
tinipon ito ng mga babae
at ginawang panggatong.
Dahil sa walang pang-unawa
ang mga taong ito,
hindi sila kaaawaan ng Diyos
na lumikha sa kanila.
12Sa araw na iyon, ihihiwalay ng Panginoon ang mga Israelita at titipunin niya isa-isa mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa daluyan ng tubig ng Ehipto na parang nagtitipon ng mga butil sa giikan.
13At sa araw na iyon, tutunog ang dakilang trumpeta. Silang mga ikinalat na naghihirap sa Asiria at mga bihag sa Ehipto ay darating at sasamba sa Panginoon sa banal na bundok sa Jerusalem.