Isaias 40

Pinalakas ang Loob ng mga Mamamayan ng Diyos

1Sinabi ng Diyos,

“Palakasin at pagaanin ninyo

ang loob ng aking mga mamamayan.

2Magsalita kayo nang mahinahon

sa mga taga-Jerusalem.

Sabihin ninyo sa kanila

na tapos na ang paghihirap nila,

at pinatawad na ang kanilang

mga kasalanan.

Sapagkat pinarusahan sila ng Panginoon

nang husto sa lahat ng kasalanan nila.”

3May sumisigaw na nagsasabi,

“Ihanda ninyo ang daan sa ilang

para sa Panginoon ;

tuwirin ninyo ang landas sa disyerto

para sa ating Diyos.

4Tambakan ninyo ang mga mababang lugar,

patagin ang mga bundok at burol,

at pantayin ang mga baku-bakong daan.

5Mahahayag ang kaluwalhatian

ng Panginoon ,

at makikita ito ng lahat ng tao.

Mangyayari nga ito

sapagkat ang Panginoon

ang nagsasabi nito.”

6May nagsabi sa akin,

“Mangaral ka!”

Ang tanong ko naman,

“Anong ipapangaral ko?”

Sinabi niya,

“Ipangaral mo na ang lahat ng tao

ay parang damo,

ang kanilang katanyagan

ay parang mga bulaklak nito.

7Ang damo ay nalalanta

at ang bulaklak nito ay nalalaglag

kapag hinipan ng hanging

mula sa Panginoon .

8Ang damo ay nalalanta

at ang bulaklak nito ay nalalaglag,

ngunit ang salita ng ating Diyos

ay mananatili magpakailanman.”

9Kayong mga nagdadala

ng magandang balita sa Zion,

umakyat kayo sa mataas na bundok.

Isigaw ninyo ang magandang

balita sa Jerusalem.

Lakasan ninyo, huwag kayong matakot.

Sabihin ninyo sa mga bayan ng Juda,

“Nandito na ang inyong Diyos.”

10Tingnan ninyo,

ang Makapangyarihang Panginoon

ay dumarating

upang ipamalas ang kanyang lakas,

at mamumuno siya na may kapangyarihan.

Paparating siyang dala

ang kanyang natamo,

ang kanyang gantimpala

ay naglalakad sa kanyang harapan.

11Aalagaan niya ang kanyang

mga mamamayan gaya ng pastol

na nag-aalaga ng kanyang kawan.

Kinakarga niya ang maliliit na tupa

at maingat niyang pinapatnubayan

ang mga inahing tupa.

12Sino ang makakatakal ng tubig sa dagat

gamit ang kanyang palad,

o makakasukat ng langit

gamit ang kanyang kamay?

Sinong makakapaglagay ng alikabok

sa isang lalagyan,

o makakapagtimbang ng mga bundok

at mga burol?

13Sino ang makapagsasabi

ng nasa isip ng Panginoon ,

o makapagtuturo sa kanya

kung ano ang dapat niyang gawin?

14Kanino siya sumasangguni para maliwanagan,

at sino ang nagturo sa kanya

ng tamang pagpapasya?

Sino ang nagturo sa kanya

ng kaalaman,

o nagpaliwanag sa kanya

para kanyang maunawaan?

Wala!

15Para sa Panginoon , ang mga bansa

ay para lamang isang patak

ng tubig sa timba

o alikabok sa timbangan.

Sa Diyos, ang mga pulo ay parang

kasinggaan lamang ng alikabok.

16Ang mga hayop sa Lebanon

ay hindi sapat na ihandog sa kanya

at ang mga kahoy doon ay kulang

pang panggatong sa mga handog.

17Ang lahat ng bansa ay balewala

kung ihahambing sa kanya.

At para sa kanya

walang halaga ang mga bansa.

18Kaya kanino ninyo maihahambing ang Diyos?

O saan ninyo siya maitutulad?

19Maitutulad nʼyo ba siya

sa mga diyos-diyosang inukit ng tao

at binalutan ng ginto ng platero

at pagkatapos ay nilagyan ng mga palamuting

pilak na kuwintas?

20O sa matitigas na rebultong kahoy

na hindi basta nabubulok,

na ipinagawa ng taong

dukha bilang handog?

Ipinagawa niya ito

sa magaling umukit para hindi bumuwal.

21Hindi nʼyo ba alam

o hindi ba ninyo napakinggan?

Wala bang nagbalita sa inyo

kung paano nilikha ang mundo?

22Nilikha ito ng Diyos na nakaupo

sa kanyang trono sa ibabaw ng mundo.

Sa paningin niya, ang mga tao sa ibaba

ay parang mga tipaklong lamang.

Iniladlad niya ang langit na parang kurtina,

o parang isang tolda upang matirhan.

23Inaalis niya sa kapangyarihan

ang mga pinuno ng mundo

at ginagawang silang walang kuwenta.

24Para silang mga tanim

na bagong hasik sa lupa

at halos hindi pa nagkakaugat.

Hinihipan sila ng Panginoon

at biglang nalalanta

at tinatangay ng buhawi na parang ipa.

25Sinabi ng Banal na Diyos,

“Kanino ninyo ako ihahalintulad?

Mayroon ba akong kapantay?”

26Tumingala kayo at tumingin sa langit!

Sino ang lumikha sa lahat

nang inyong nakikita?

Siya na nagpalabas ng mga bituin

ayon sa kanilang bilang

at isa-isa silang tinatawag

ayon sa kanilang pangalan.

At dahil sa kapangyarihan

at lakas niyang dakila,

ni isa man sa kanila

ay walang nawawala.

27Kayong lahi ni Jacob,

bakit kayo nagrereklamo?

Kayong mga mamamayan ng Israel,

paano ninyo nasasabi ito:

“Ang landas namiʼy nakatago

sa Panginoon ;

hindi niya pinapansin

ang aming karapatan”?

28Hindi nʼyo ba alam?

Hindi nʼyo ba narinig?

Ang Panginoon ang walang hanggang Diyos

na lumikha hanggang sa dulo ng mundo.

Hindi siya napapagod o nanghihina

at walang nakakaarok

ng kanyang pang-unawa.

29Pinalalakas niya ang mga napapagod

at ang mga nanghihina.

30Kahit ang mga kabataan ay napapagod,

nanlulupaypay at nabubuwal,

31ngunit ang mga nagtitiwala sa Panginoon

ay muling magkakaroon ng lakas.

Lilipad silang gaya ng isang agila.

Tumakbo man sila ay hindi mapapagod.

Lumakad man sila ay hindi manghihina.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.