Job 17

1“Malapit na akong mamatay;

parang malalagot na ang aking hininga.

Nakahanda na ang libingan para sa akin.

2Napapaligiran ako ng mga mangungutya.

Kitang-kita ko kung paano nila ako kutyain.

3O Diyos, tulungan nʼyo po ako na makalaya.

Tanging kayo lang ang makakatulong sa akin.

4Isinara nʼyo ang isipan

ng aking mga kaibigan

upang hindi sila makaunawa.

Kaya huwag ninyong payagang

magtagumpay sila sa kanilang

mga paratang sa akin.

5Katulad sila ng taong nandadaya

sa kanyang mga kaibigan

upang magkapera,

at ito ang magiging dahilan

ng paghihirap ng kanyang mga anak.

6“Ginawa akong katawa-tawa ng Diyos sa mga tao

at dinuraan pa nila ang mukha ko.

7Nagdilim na ang paningin ko

dahil sa matinding kalungkutan;

halos butoʼt balat na ako,

at halos kasingnipis na ng anino.

8Ang mga taong matuwid ay nagulat

sa nangyaring ito sa akin.

Ang mga walang salaʼy nagngitngit sa galit

dahil sa mga hindi makadiyos.

9Ngunit ang matuwid

ay nananatili sa kanyang landas

at ang mga may malinis na kamay

ay lalo pang tatatag.

10Ngunit hinahamon ko sila

na minsan pa nila akong siyasatin.

At tiyak na matutuklasan kong

wala kahit isa sa kanila

ang nakakaunawa.

11Malapit nang matapos ang mga araw ko.

Bigo ang mga plano koʼt hinahangad.

12Ngunit sinasabi ng iba

na baka sakaling maging mabuti rin

ang kalagayan ko sa hinaharap,

dahil sa kabila raw ng dilim

ay may liwanag.

13Ngunit kung ako man ay may pag-asa pa,

doon ito sa lugar ng mga patay

kung saan ako titira.

At nais ko nang ilagay ang higaan ko

sa madilim na lugar na iyon.

14Ituturing kong ama ang libingan ko

at ang mga uod ang siya kong ina

at babaeng kapatid.

15May pag-asa pa kaya ako?

Sinong makapagsasabi

na may pag-asa pa ako?

16Kasama kong malilibing

ang pag-asa ko.

Magkakasama kami roon

sa ilalim ng lupa.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.