Job 18

Nagsalita si Bildad

1Pagkatapos, sumagot si Bildad na taga-Shua,

2“Job, hanggang kailan ka ba

magsasalita ng ganyan?

Ayusin mo ang sinasabi mo

at saka kami makikipag-usap sa iyo.

3Ang tingin mo ba sa amin

ay mga hayop na hindi nakakaunawa?

4Sinasaktan mo lang ang sarili mo

dahil sa galit mo.

Ang akala mo baʼy dahil lang sa iyo,

pababayaan na ng Diyos ang mundo

o ililipat niya ang mga bato

mula sa kanilang kinalalagyan?

5“Sa totoo lang, ang taong masama

ay tiyak na mamamatay.

Ang tulad niyaʼy ilaw

na hindi na magbibigay ng liwanag.

6Magdidilim sa kinaroroonan niya,

dahil mamamatay ang ilawang

malapit sa kanya.

7Noon ay may katatagan siya

ngunit ngayon ay bumabagsak.

Ang sarili niyang plano

ang siya ring sisira sa kanya.

8Siya mismo ang lumakad

papunta sa bitag

at nahuli siya.

9Hindi na maalis doon

ang mga paa niya.

10Inilagay ang bitag

sa dinadaanan niya,

at tinabunan ng lupa.

11Napapaligiran siya ng mga bagay

na kinatatakutan niya

at para bang hinahabol siya ng mga ito

saanman siya pumunta.

12Dahil sa pagkagutom,

unti-unting nababawasan

ang lakas niya.

At ang kapahamakan

ay nakahanda upang ipahamak siya.

13Ang balat niyaʼy sinisira

ng nakakamatay na sakit

at nabubulok ang kanyang

mga paaʼt kamay.

14Pinaalis siya sa tahanang

kanlungan niya

at dinala sa harap

ng nakakatakot na hari.

15Mawawala ang tirahan ng masama

dahil masusunog iyon

sa nagniningas na asupre.

16Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy

na natuyo ang mga ugat

at mga sanga.

17Makakalimutan siya

ng lahat dito sa daigdig

at wala nang makakaalala pa sa kanya.

18Palalayasin siya mula rito

sa maliwanag na daigdig

patungo sa madilim na lugar

ng mga patay.

19Wala siyang magiging anak o apo

at walang matitirang buhay sa pamilya niya.

20Ang mga tao sa saanmang lugar[#18:20 : Sa literal, sa silangan at sa kanluran.]

ay magtataka at matatakot

sa mga nangyayari sa kanya.

21Ganyan nga ang sasapitin

ng taong masama na hindi

kumikilala sa Diyos.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.