Job 28

Kung Saan Matatagpuan ang Karunungan

1May mga minahan kung saan

matatagpuan ang pilak

at may mga lugar kung saan

dinadalisay ang ginto.

2Ang bakal ay nakukuha mula sa lupa,

at ang tanso ay tinutunaw mula sa mga bato.

3Gumagamit ng ilaw ang mga tao

upang madaig nila ang kadiliman

sa kanilang paghuhukay sa kailaliman ng lupa.

4Humuhukay sila ng daanan sa minahan,

sa dakong walang taong nakatira at dumadaan.

Bumababa sila sa pamamagitan

ng mga nakalaylay na lubid.

5Ang ibabaw ng lupa

ay tinutubuan ng pagkain,

ngunit ang ilalim nitoʼy

tinutunaw ng apoy.

6Ang mga bato doon ay may mga safiro[#28:6 : Isang uri ng mamahaling bato.]

at ang mga alikabok ay may ginto.

7Ang mga daan patungo roon

ay hindi makita ng mga ibon,

kahit ng ibong mandaragit.

8Hindi rin ito nadaanan

ng mga mababangis na hayop o ng leon.

9Hinuhukay ng mga tao

kahit na ang pinakamatigas na bato

sa ilalim ng bundok.

10Hinuhukay nila ang bundok

upang hanapin ang ibaʼt ibang uri

ng mamahaling bato.

11Hinahanap din nila ang mga ito sa mga ilog.

12Ngunit saan nga ba matatagpuan

ang karunungan at pang-unawa?

13Hindi alam ng tao

kung saan ito matatagpuan.

Hindi ito matatagpuan dito sa lupa.

14Hindi rin ito matatagpuan

sa kailaliman ng dagat.

15Hindi rin ito nabibili

ng purong ginto o pilak.

16Ang halaga nito ay hindi matutumbasan

ng ginto mula sa Ofir

o ng alinmang mamahaling bato

gaya ng onise o safiro.

17Higit pa ito sa ginto o kristal.

Hindi ito maipagpapalit sa gintong alahas.

18Ang koral at haspe

ay walang sinabi,

ang halaga ng karunungan

ay higit pa kaysa rubi.

19Hindi ito mapapantayan

ng mamahaling batong topaz

na mula sa Etiopia

at hindi rin mababayaran ng purong ginto.

20Saan ba nagmumula

ang karunungan?

Saan ang tahanan ng kaunawaan?

21Walang nilalang na makakakita nito

kahit sa mga ibon.

22Kahit na ang lugar ng kapahamakan

na siyang lugar ng mga patay,

sabi-sabi lang ang kanilang nalaman

tungkol dito.

23Diyos lang ang nakakaalam

kung saan matatagpuan ang karunungan.

24Sapagkat nakikita niya

kahit ang pinakamalayong bahagi ng mundo

at ang lahat ng nasa ilalim ng langit.

25Noong pinalakas niya ang hangin,

at sinukat kung gaano karaming ulan

ang dapat bumuhos,

26itinakda na niya kung saan ito papatak,

at kung saan tatama ang kulog at kidlat.

27Sa ganito niya ipinakita ang karunungan

at kahalagahan ng mga ito.

Nasubukan na niya ito at napatunayan.

28Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao,

“Ang pagkatakot sa Panginoon

at ang paglayo sa kasamaan

ay siyang karunungan at pagkaunawa.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.