The chat will start when you send the first message.
1Kinalaunan, tumigil na ang tatlong lalakeng ito sa pagsagot kay Job, dahil ipinipilit niya na wala siyang kasalanan.
2May isang tao roon na ang pangalan ay Elihu. Anak siya ni Baraquel na isang Buzita. Mula siya sa angkan ni Ram. Nagalit siya kay Job dahil sinisisi nito ang Diyos, sa halip na ang kanyang sarili.
3Nagalit din siya sa tatlong kaibigan ni Job dahil hindi nila napatunayang nagkasala si Job at lumalabas pa na ang Diyos ang may kasalanan.
4At dahil mas matanda sila kaysa kay Elihu, naghintay muna si Elihu na matapos silang magsalita bago siya nagsalita kay Job.
5Ngunit nang wala nang masabi ang tatlo, nagalit siya.
6Kaya sinabi ni Elihu na anak ni Baraquel na taga-Buzita,
“Bata pa ako at kayoʼy matatanda na,
kaya nag-aatubili akong magsalita.
Hindi ako nangahas na magsalita sa inyo
tungkol sa nalalaman ko.
7Ang akala ko ay kayo ang dapat magturo
dahil matatanda na kayo at maraming nalalaman.
8Ngunit ang totoo, ang espiritu
ng Makapangyarihan na nasa tao,
ang siyang nagbibigay ng pang-unawa.
9Ang katandaan ay hindi garantiya
ng karunungan at kaalaman
kung ano ang tama.
10“Kaya pakinggan ninyo ako.
Sasabihin ko ang nalalaman ko.
11Naghintay ako habang iniisip ninyo
kung ano ang nararapat ninyong sabihin.
Pinakinggan ko ang inyong mga katuwiran.
12Pinakinggan kong mabuti ang mga sinabi ninyo,
ngunit ni isa sa inyoʼy walang nakapagpatunay
na nagkasala si Job;
ni hindi ninyo nasagot
ang mga pangangatwiran niya.
13Huwag ninyong sasabihing,
‘Napag-alaman naming
mas marunong siya.
Hayaan ninyong ang Diyos
ang sumagot sa kanya
at hindi ang tao!’
14Kung sa akin siya nakipagtalo,
hindi ko siya sasagutin
na katulad ng mga sinabi ninyo.
15“Hindi na kayo makakibo ngayon
at wala nang maisagot sa kanya.
16At ngayong wala na kayong maisagot,
kailangan ko pa bang maghintay?
17Ako rin ay may sasabihin ayon
sa nalalaman ko.
18Dahil marami akong gustong sabihin,
at hindi ko na talaga ito mapigilan.
19Para akong bagong sisidlang-balat
na punong-puno at malapit nang sumabog.
20Kinakailangan kong magsalita
upang gumaan ang pakiramdam ko.
21Hindi ako papanig sa kahit kanino,
ni magbigay papuri sa sinumang tao,
22sapagkat kung akoʼy mahusay mambola,
akoʼy tiyak na pupuksain ng aking Manlilikha.