The chat will start when you send the first message.
1Sumagot si Bildad na taga-Shua,
2“Hanggang kailan ka magsasalita
nang ganyan?
Nag-iingay ka lang
at walang kabuluhan
ang mga sinasabi mo.
3Hindi maaaring pilipitin
ng Diyos na Makapangyarihan
ang katarungan
o baluktutin ang katuwiran.
4Nagkasala ang iyong mga anak
laban sa Diyos
kaya nararapat lamang
ang natanggap nilang kaparusahan.
5Ngunit kung lalapit ka
sa Diyos na Makapangyarihan,
at magmamakaawa sa kanya,
6at mamumuhay nang malinis
at matuwid,
kahit ngayon ay agad ka niyang tutulungan
at ibabalik sa mabuting kalagayan.
7Bagamaʼt sa maliit ka nag-umpisa,
magiging masagana ang iyong hinaharap.
8“Tanungin mo ang mga matatanda.
Alamin mo kung ano ang natutunan
ng kanilang mga ninuno.
9Sapagkat parang kailan lang
tayo ipinanganak
at kaunti lang ang ating nalalaman,
at ang mga araw natin dito sa mundo
ay tulad ng aninong hindi nagtatagal.
10Pakinggan mo sila,
at sasabihin nila sa iyo
ang kanilang nalalaman.
11Hindi mabubuhay ang halamang tubig
kung walang tubig.
12Habang silaʼy mura pa
at ʼdi pa namumukadkad,
silaʼy nalalantang mas mabilis pa
sa mga damo.
13Ganyan din ang kahihinatnan
ng lahat ng taong tumatalikod sa Diyos.
Ang kanyang pag-asa ay mawawala.
14Ang lahat ng inaasahan
at pinagtitiwalaan niya
ay kasinrupok ng sapot ng gagamba.
15Kapag sinandalan ito,
agad nalalagot;
dumidikit ngunit mahina ang kapit.
16Para siyang halamang sagana
sa dilig at sikat ng araw.
Yumayabong ito
sa buong hardin
17at kumakapit ang mga ugat nito
sa mga bato.
18Ngunit kapag nabunot na ito,
hindi na pinapansin.
19Ganyan ang wakas ng buhay niya,
at may tanim na tutubong muli
sa lugar na kanyang tinubuan.
20“Ang totoo, hindi itinatakwil ng Diyos
ang taong matuwid
at hindi niya tinutulungan
ang taong masama.
21Patatawanin ka niyang muli,
at pasisigawin sa kagalakan.
22Ipapahiya niya ang mga napopoot sa iyo
at wawasakin ang kanilang sambahayan.”