Job 9

Sumagot si Job

1Sumagot si Job,

2“Totoo ang sinabi mo.

Ngunit paano mapapatunayan ng tao

na wala siyang kasalanan

sa harapan ng Diyos?

3Kahit na makipagtalo pa siya

sa Diyos sa hukuman,

wala siyang magagawa,

dahil sa isang libong katanungan ng Diyos,

hindi niya masasagot isa man sa mga ito.

4Marunong at makapangyarihan ang Diyos.

Sino ang nakipaglaban sa kanya

at nagtagumpay?

5Walang ano-anoʼy pinauuga niya

ang mga bundok

at natitibag ito

sa tindi ng kanyang galit.

6Niyayanig niya ang lupa

at ang mga pundasyon nito ay nauuga.

7Kapag inutusan niya ang araw

o ang mga bituin,

hindi ito sisikat o magbibigay ng liwanag.

8Tanging siya lamang

ang nakapaglalatag ng langit

at nakapagpapatigil ng alon.

9Siya ang manlilikha

ng grupo ng mga bituin

na tinatawag na Oso, Orion, Pleyades,

at mga bituin sa katimugan.

10Gumagawa siya ng kahanga-hangang mga bagay

at mga himalang hindi kayang unawain at bilangin.

11Kapag dumadaan siya sa tabi ko,

hindi ko siya nakikita o nararamdaman.

12Kung may gusto siyang kunin,

walang makakapigil sa kanya.

At sino ang makakapagreklamo

sa mga ginagawa niya?

13Hindi pinipigil ng Diyos ang kanyang galit.

Kahit ang mga katulong ni Rahab,

na halimaw sa dagat,

ay yumuyukod sa takot sa kanya.

14“Kaya papaano ko ipagtatanggol

ang sarili ko sa Diyos?

Ano ang mga salitang

maaari kong gamitin

upang makipagtalo sa kanya?

15Kahit na wala akong kasalanan,

hindi ko maipagtatanggol

ang sarili ko.

Ang magagawa ko lamang

ay magmakaawa sa Diyos

na aking Hukom.

16Kahit hilingin kong magkausap kami

at pumayag siya,

hindi pa rin niya ako pakikinggan ni paniniwalaan.

17Sapagkat pinapahirapan niya ako

na parang sinasalanta ng bagyo,

at dinadagdagan pa niya

ang paghihirap ko

nang walang dahilan.

18Halos malagot na

ang aking hininga

dahil sa paghihirap na

kanyang idinulot sa akin.

19Kung lakas ang pag-uusapan

walang tatalo sa kanya!

At kung sa hukuman idadaan,

sinong makapaghahabla sa kanya?

20Kahit na akoʼy walang kasalanan,

hahatulan ako ng mga salitang

aking tinuran.

Kahit wala akong ginawang mali,

isasakdal pa rin ako nito.

21“Kahit na wala akong kapintasan,

wala na itong halaga sa akin ngayon.

Kinamumuhian ko na ang aking buhay.

22Pareho lang naman ang kapalaran

ng matuwid at masama.

Lahat sila ay mamamatay.

23Kapag biglang namatay

sa kalamidad ang matuwid,

natatawa lang siya.

24Ipinagkatiwala niya ang mundo

sa masasamâ.

Tinatakpan niya ang mata

ng mga hukom

upang hindi sila humatol ng tama.

Kung hindi siya

ang gumagawa nito,

sino pa kaya?

25“Madaling lumipas ang mga araw sa buhay ko;

mas mabilis pa ito kaysa sa mananakbo.

Lumilipas ito nang walang nakikitang kabutihan.

26Dumadaan itong kasimbilis

ng isang bangkang gawa sa tambo

o ng agilang dumadagit ng pagkain.

27Kahit tumigil na ako sa pagdaing

at pagdadalamhati

at akoʼy ngumiti na,

28nananaig pa rin sa akin ang takot

sa mga paghihirap na maaaring

dumating sa akin.

Dahil alam kong hindi niya ako ituturing

na walang kasalanan.

29Yaman din lamang

na itinuring na niya akong

may kasalanan,

wala nang halaga

na ipagtanggol ko pa

ang aking sarili.

30Kahit hugasan ko pa ng sabon

ang aking buong katawan,

at lagyan ng pulbos na panlinis

ang aking mga kamay

31ilulubog pa rin niya ako

sa maputik na hukay,

upang kahit ang sarili kong damit

ay ikahiya ako.

32“Hindi tao ang Diyos na katulad ko;

hindi ko siya kayang sagutin

o isakdal man sa hukuman.

33Mayroon sanang mamagitan sa amin

upang pagkasunduin kaming dalawa,

34at mapatigil sana niya

ang pagpalo ng Diyos sa akin,

upang hindi na ako matakot.

35Kung magkagayoʼy

makakausap ko na ang Diyos

nang walang takot,

ngunit sa ngayon

hindi ko pa ito magagawa.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.