Malakias 1

1Ito ang mensahe ng Panginoon para sa bansang Israel sa pamamagitan ni Malakias.

Mahal ng Diyos ang mga Israelita

2“Mahal ko kayo,” sabi ng Panginoon .

“Ngunit nagtatanong pa kayo, ‘Paano mo kami minahal?’

“Alalahanin ninyong kahit magkapatid sina Esau at Jacob, minahal ko si Jacob

3ngunit si Esau ay kinapootan ko. Iniwan kong tiwangwang ang kanyang kabundukan, kaya naging ilang na tirahan ng mga maiilap na hayop.”

4Maaaring sabihin ng mga Edomitang lahi ni Esau, “Kahit na winasak ang aming bayan, itoʼy muli naming itatayo.”

Subalit, ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo: “Kahit na itayo nilang muli ang kanilang bayan, gigibain ko pa rin ito. Tatawagin silang ‘masamang bansa’ at ‘mga mamamayang laging kinapopootan ng Panginoon .’

5Makikita ninyo ang kanilang pagkawasak at sasabihin ninyo, ‘Makapangyarihan ang Panginoon kahit sa labas ng Israel.’ ”

Ang mga Hindi Karapat-dapat na Handog

6Sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo sa mga pari, “Iginagalang ng anak ang kanyang ama at iginagalang ng alipin ang kanyang amo. Pero bakit ako na inyong ama at amo ay hindi ninyo iginagalang?

“Nilalapastangan ninyo ako.

“Ngunit nagtatanong pa kayo, ‘Paano ka namin nilalapastangan?’

7“Nilalapastangan ninyo ako sa pamamagitan ng paghahandog ng maruruming handog sa aking altar.[#1:7 : Ang ibig sabihin hindi dapat ihandog sa Diyos.]

“Ngunit nagtatanong pa kayo, ‘Paano naging marumi ang aming handog?’

“Naging marumi ang inyong handog dahil sinasabi ninyo na walang kabuluhan ang altar ng Panginoon .

8Kaya hinahandugan ninyo ako ng mga hayop na bulag, pilay o may sakit. Hindi tama iyan. Ganyan kaya ang ihandog ninyo sa inyong gobernador at tingnan nʼyo kung matutuwa at malulugod siya sa inyo,” sabi ng Panginoong Makapangyarihan.

9“Kayong mga pari, hilingin ninyo sa Diyos na kaawaan niya tayo. Pero sa ganyang klaseng mga inihahandog ninyo sa kanya, tiyak na hindi niya kayo kalulugdan. Iyan ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon .”

10“May isa sana sa mga pari nʼyo na magsara ng mga pintuan ng aking templo, upang hindi na kayo magsisindi ng walang kabuluhang apoy sa aking altar. Hindi ko tatanggapin ang inyong mga handog dahil hindi ako nalulugod sa inyo,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.

11“Ang totoo, pinupuri ang aking pangalan ng mga bansa, mula silangan hanggang kanluran. Kahit saan nagsusunog ang mga tao ng insenso at naghahandog ng malinis na handog sa akin na Panginoon ng mga Hukbo.[#1:11 : Sa literal, mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito.; #1:11 : O pupurihin … magsusunog … maghahandog.; #1:11 : Ang ibig sabihin, maaaring ihandog sa Diyos.]

12“Pero kayo, nilalapastangan ninyo ako, dahil sinasabi ninyong marumi ang aking altar at walang kabuluhan ang mga inihahandog doon.

13Sinasabi pa ninyo na nagsasawa na kayo sa paghahandog at binabalewala ninyo ang aking altar.[#1:13 : O ako.]

“Kaya hinahandugan ninyo ako ng mga hayop na may sugat, pilay o may sakit. Akala ba ninyoʼy tatanggapin ko iyan?” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.

14“Susumpain ko ang mga mandaraya sa inyo, na nangakong maghahandog ng pinakamabuting hayop mula sa kanyang kawan ngunit ang inihahandog ay ang may kapintasan. Susumpain ko siya dahil ako ang makapangyarihang hari na kinatatakutan ng mga bansa,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.