Mateo 2

Ang Pagdalaw ng mga Pantas Mula sa Silangan

1Pagkatapos ipanganak si Hesus sa Bethlehem sa lalawigan ng Judea sa kapanahunan ng paghahari ni Herodes, may ilang pantas mula sa Silangan na dumating sa Jerusalem.[#2:1 : Sa Griyego, . Posibleng sila ay mga dalubhasa sa pag-aaral ng mga bituin.]

2Nagtanong sila, “Nasaan ang batang ipinanganak na hari ng mga Hudyo? Nakita namin ang kanyang bituin noong lumitaw ito, at naparito kami para sambahin siya.”

3Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, nabagabag siya pati na ang buong Jerusalem.

4Kaya ipinatawag ni Herodes ang lahat ng namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan, at itinanong sa kanila kung saan isisilang ang Mesias.

5Sumagot sila, “Sa Bethlehem po, sa Judea, sapagkat ito ang isinulat ng propeta:

6‘Ikaw, Bethlehem sa lupain ng Juda,

hindi ikaw ang pinakaaba sa mga namumunong bayan ng Juda;

sapagkat magmumula sa iyo ang isang pinuno

na magsisilbing pastol ng mga mamamayan kong Israelita.’ ”

7Kaya palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas at inalam niya sa kanila ang eksaktong oras na unang lumitaw ang bituin.

8Pagkatapos, pinapunta niya sila sa Bethlehem at nagbilin, “Lumakad na kayo at hanaping mabuti ang bata. At kapag nakita ninyo, balitaan nʼyo ako agad para makapunta rin ako at makasamba sa kanya.”

9-10Pagkatapos marinig ang bilin ng hari, lumakad na sila. At ang bituing nakita nilang lumitaw noon ay nanguna sa kanila hanggang sa tumigil ito sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Nang makita nila ang bituin ay labis ang kanilang kagalakan.

11Pagpasok nila sa bahay, nakita nila ang bata kasama ang kanyang inang si Maria. Nagpatirapa sila at sumamba sa bata. Binuksan nila ang kanilang mga baul ng kayamanan at inihandog sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at pabangong mira.

12Nang pauwi na sila, nag-iba sila ng daan dahil binalaan sila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes.

Ang Pagtakas Patungo sa Ehipto

13Nang makaalis na ang mga pantas, nagpakita ang isang anghel ng Panginoon kay Jose sa panaginip. Sinabi niya, “Bumangon kaʼt dalhin mo ang bata at ang kanyang ina, at tumakas kayo patungong Ehipto. Doon muna kayo hanggaʼt hindi ko sinasabing bumalik kayo, dahil hinahanap ni Herodes ang bata para patayin.”

14Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon ay dinala ang mag-ina patungong Ehipto.

15Nanatili sila roon hanggang sa mamatay si Haring Herodes. Kaya natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.”[#2:15 Hos. 11:1.]

16Nang nalaman ni Herodes na naisahan siya ng mga pantas, galit na galit siya. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Bethlehem at sa mga karatig na lugar, mula dalawang taóng gulang pababa. Batay ito sa panahon kung kailan nakita ng mga pantas ang bituin.

17Sa ganitong paraan natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias:

18“May narinig na tinig sa Rama,

tumatangis at nananaghoy,

iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak,

at ayaw niyang magpaaliw,

dahil silaʼy pumanaw na.”

Ang Pagbabalik sa Nazaret

19Nang mamatay na si Herodes, nagpakita ang isang anghel ng Panginoon kay Jose sa panaginip doon sa Ehipto

20at sinabi nito sa kanya, “Bumangon kaʼt dalhin mo ang bata at ang kanyang ina pauwi sa Israel, dahil patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.”

21Bumangon nga si Jose, at dinala ang mag-ina pauwi sa Israel.

22Subalit nang malaman ni Jose na si Arquelao ang naghahari sa lalawigan ng Judea kapalit ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Dahil binalaan siya ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip, sa lalawigan ng Galilea sila tumuloy,

23at silaʼy tumira sa bayan ng Nazaret. Kaya natupad ang sinabi ng mga propeta na tatawagin siyang Nazareno.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.