1Pagkatapos, nagsalita si Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad.
2Sinabi niya, “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises.
3Kaya dapat ninyong pakinggan at sundin ang lahat ng itinuturo nila sa inyo. Ngunit huwag ninyong gayahin ang mga ginagawa nila dahil hindi nila ginagawa ang mga itinuturo nila.
4Ipinapatupad nila sa inyo ang napakabibigat nilang kautusan, ngunit sila mismo ay ayaw man lang kayong tulungan kahit na kaunti.
5“Ang lahat ng ginagawa nila ay pakitang-tao lang. Nilalakihan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang laylayan ng kanilang mga damit.[#23:5 : Maliit na kahon na nakabigkis sa kanilang mga noo at braso, na naglalaman ng mga talata mula sa Kasulatan.]
6Mahilig silang umupo sa mga upuang pandangal sa mga handaan at mga sinagoga.
7At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar at tawaging ‘Guro’.
8“Ngunit huwag kayong magpatawag na ‘Guro’ dahil lahat kayoʼy magkakapatid at iisa lang ang inyong Guro.
9At huwag ninyong tawaging ‘Ama’ ang sinuman dito sa lupa, dahil iisa lang ang inyong Ama, ang Amang nasa langit.
10Huwag din kayong magpatawag na tagapagturo dahil iisa lang ang inyong Tagapagturo, walang iba kundi ang Mesias.
11Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo.
12Ang sinumang itinataas ang kanyang sarili ay ibababa ng Diyos, at ang nagpapakababa ay itataas ng Diyos.
13“Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Isinara ninyo ang kaharian ng Langit sa harap ng mga tao. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga gustong pumasok. [
14Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Dinadaya ninyo ang mga biyuda upang makuha ang kanilang mga ari-arian, at pinagtatakpan ninyo ang inyong mga masasamang ginagawa sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Dahil dito, tatanggap kayo ng mas mabigat na parusa.][#23:14 Wala ang talatang ito sa ilang manuskrito.]
15“Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang dagat at lupa, upang makahikayat ng kahit isang tao sa inyong pananampalataya. Ngunit kapag may nahikayat na kayo, ginagawa ninyo siyang mas masahol pa sa inyo at mas karapat-dapat pang parusahan sa impiyerno!
16“Nakakaawa kayong mga bulag na tagaakay! Itinuturo ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa Templo, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa gintong nasa Templo, dapat niya itong tuparin.
17Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang Templo na nagpapabanal sa ginto?
18Itinuturo rin ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa altar, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa handog na nasa altar, dapat niya itong tuparin.
19Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog?
20Kaya nga, kapag nanumpa ang isang tao sa altar, nanunumpa rin siya pati sa handog na nasa altar.
21At kapag nanumpa siya sa Templo, nanunumpa rin siya sa Diyos na naninirahan doon.
22At kapag nanumpa siya sa langit, nanunumpa rin siya sa trono ng Diyos at sa Diyos mismo na nakaupo roon.
23“Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ibinibigay nga ninyo kahit ang ikapu ng inyong mga pampalasa ng pagkain, ngunit hindi naman ninyo sinusunod ang mga mas mahalagang utos tungkol sa pagiging makatarungan, mahabagin, at pagiging tapat. Dapat ngang magbigay kayo ng inyong mga ikapu, ngunit huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang mga mas mahalagang utos.[#23:23 : Ang ibig sabihin, “ikasampu o sampung porsyento.”]
24Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang maliliit na insekto sa inyong inumin, ngunit lumululon naman kayo ng kamelyo!
25“Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, ngunit ang loob ng puso ninyoʼy puno naman ng kasakiman at katakawan.
26Mga bulag na Pariseo! Linisin muna ninyo ang loob ng tasa at baso, at magiging malinis din ang labas nito.
27“Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Maihahalintulad kayo sa mga libingang pininturahan ng puti at magandang tingnan sa labas, ngunit ang nasa loob ay puro kalansay at iba pang maruruming bagay.
28Ganyang-ganyan kayo, dahil sa paningin ng mga taoʼy pawang kabutihan ang ginagawa ninyo, ngunit ang kalooban ninyoʼy puno ng pagkukunwari at kasalanan.
29“Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ipinagtatayo ninyo ng magagandang mga libingan ang mga propeta at ang mga taong matuwid, at pinapalamutian pa ninyo ito.
30At sinasabi ninyo na kung buhay sana kayo sa panahon ng inyong mga ninuno, hindi ninyo papatayin ang mga propeta tulad ng ginawa nila.
31Kung ganoon, inaamin nga ninyo na lahi kayo ng mga taong pumatay sa mga propeta!
32Sige, tapusin nʼyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno!
33“Mga ahas! Lahi kayo ng mga ulupong! Hindi nʼyo matatakasan ang kaparusahan sa impiyerno!
34Kaya makinig kayong mabuti! Magpapadala ako sa inyo ng mga propeta, marurunong na tao na magtuturo sa inyo ng salita ng Diyos. Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang ibaʼy ipapako sa krus. Ang ibaʼy hahagupitin ninyo sa inyong sinagoga, at tutugisin ninyo saan man sila magpunta.
35Dahil dito, mananagot kayo sa pagpatay sa lahat ng taong matuwid mula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Baraquias, na pinatay ninyo sa pagitan ng Templo at ng altar.
36Talagang kayong mga nabubuhay sa panahong ito ang mananagot sa lahat ng mga kasalanang ito.
37“Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propeta na sinusugo ng Diyos sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin gaya ng isang inahing manok na nagtitipon at nagkakanlong ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo.
38Kaya ngayon, makinig kayo! Iiwan na ng Diyos ang inyong Templo at lubusang pababayaan na ito.
39Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.’”[#23:39 Salmo 118:26.]