The chat will start when you send the first message.
1Nangaral si Hesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinabakuran niya iyon at nagpagawa siya ng pisaan ng ubas. Nagtayo rin siya ng isang bantayang tore. At pagkatapos ay pinaupahan niya ang kanyang ubasan sa mga magsasaka at pumunta siya sa malayong lugar.
2Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasakang umuupa ng kanyang ubasan para kunin ang kanyang bahagi.
3Ngunit sinunggaban ito ng mga magsasaka at binugbog, saka pinaalis nang walang dala.
4Muling nagsugo ng isa pang alipin ang may-ari, ngunit hinampas ito sa ulo at inalipusta.
5Muling nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit pinatay nila ito. Marami pang isinugo ang may-ari, ngunit ang ibaʼy binugbog at ang iba namaʼy pinatay.
6“Sa bandang huli, wala na siyang ibang maisugo kundi ang kanyang pinakamamahal na anak. Isinugo nga niya ang kanyang anak dahil inisip niyang igagalang nila.
7“Ngunit nang makita ito ng mga magsasaka, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang mapasaatin na ang lupaing mamanahin niya.’
8Kaya sinunggaban nila ang anak ng may-ari, pinatay at itinapon sa labas ng ubasan.
9“Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Tiyak na pupuntahan niya ang mga magsasaka at papatayin. Pagkatapos, pauupahan niya sa iba ang kanyang ubasan.
10Hindi nʼyo ba nabasa ang talatang ito sa Kasulatan?
‘Ang batong tinanggihan
ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong pundasyon.
11Gawa ito ng Panginoon
at kahanga-hanga ito sa atin!’ ”
12Kaya ang mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at ang mga pinuno ng mga Hudyo ay humanap ng paraan upang maipadakip si Hesus dahil alam nilang sila ang pinatatamaan niya sa talinghagang iyon. Ngunit natakot sila sa mga tao, kaya pinabayaan nila si Hesus, at umalis na lamang.
13Hindi nagtagal, nagsugo sila ng ilang Pariseo at mga alagad ni Herodes upang hulihin si Hesus sa kanyang mga sinasabi.
14Kaya lumapit sila kay Hesus at nagtanong, “Guro, alam po naming totoo ang mga sinasabi ninyo, at wala kayong kinikilingan. Sapagkat hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao, sa halip ay itinuturo ninyo ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Diyos. Sabihin nʼyo po, nararapat bang magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma o hindi?[#12:14 : Sa literal, Cesar.]
15Magbabayad po ba kami ng buwis?”
Ngunit alam ni Hesus na nagkukunwari lamang sila, kaya sinabi niya, “Bakit ninyo ako sinusubukang hulihin sa tanong na iyan? Magdala nga kayo rito ng pera at titingnan ko.”
16Dinalhan nga nila ng pera si Hesus. Nagtanong siya, “Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit sa perang ito?”
Sumagot sila, “Sa Emperador.”
17Kaya sinabi ni Hesus sa kanila, “Ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador, at sa Diyos ang sa Diyos.”
Namangha sila sa kanyang sagot.
18May mga Saduceo na lumapit kay Hesus at nagtanong. Sila ang mga paring Hudyo na hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.
19Sinabi nila, “Guro, ayon po sa isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan nitong asawa, upang magkaanak sila para sa kanya.[#12:19 Deu. 25:5.]
20Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak.
21Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Ngunit namatay din ito nang wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo
22hanggang sa ikapitong kapatid. Namatay silang lahat nang walang anak sa babae. At sa huli, namatay din ang babae.
23Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil naging asawa niya silang lahat?”
24Sumagot si Hesus, “Maling-mali kayo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang Kasulatan at ang kapangyarihan ng Diyos.
25Sa muling pagkabuhay ng mga patay ay wala nang pag-aasawa; magiging tulad sila ng mga anghel sa langit.
26Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi nʼyo ba nabasa ang isinulat ni Moises? Noong naroon siya sa may nagliliyab na mababang punongkahoy, sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob.’[#12:26 Exo. 3:6.]
27Diyos siya ng mga buhay, hindi ng mga patay. Kaya maling-mali kayo!”
28May isang tagapagturo ng Kautusan doon na nakikinig ng pagtatalo nila. Napansin niyang mahusay ang sagot ni Hesus, kaya lumapit siya at nagtanong din, “Ano po ba ang pinakamahalagang utos?”
29Sumagot si Hesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan ninyo mga taga-Israel! Ang Panginoon lamang na ating Diyos ang tanging Panginoon.
30Kaya mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong isip, at nang buong lakas!’[#12:30 Deu. 6:4‑5.]
31At ang pangalawa ay ito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na higit pang mahalaga kaysa sa dalawang ito.”[#12:31 Lev. 19:18.]
32Sinabi ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po kayo, Guro! Totoo ang sinabi ninyo na iisa lang ang Diyos at wala nang iba.
33At kailangang mahalin siya nang buong puso, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas. At kailangan ding mahalin ang kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili. Higit na mahalaga ito kaysa sa lahat ng uri ng handog na sinusunog at iba pang mga handog.”
34Nang marinig ni Hesus na may katuturan ang mga sagot nito, sinabi niya rito, “Hindi ka nalalayo sa kaharian ng Diyos.” Mula nooʼy wala nang nangahas na magtanong kay Hesus.
35Nang minsang nangangaral si Hesus sa Templo, tinanong niya ang mga tao, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Mesias ay anak ni David?
36Samantalang si David mismo, sa patnubay ng Banal na Espiritu ay nagsabing,
‘Wika ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Umupo ka rito sa aking kanan
hanggang sa gawin kong iyong apakan
ang iyong mga kalaban!” ’
37Ngayon, kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano siyang naging lahi lang ni David?”
Ang mga tao ay giliw na giliw sa pakikinig kay Hesus.
38Sinabi pa ni Hesus sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang mamasyal na nakasuot ng magagara at mamahaling damit. At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar.[#12:38 : Sa literal, mahabang damit.; #12:38 : Sa literal, mga palengke.]
39Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan.
40Dinadaya nila ang mga biyuda para makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal! Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.”
41Umupo si Hesus malapit sa lagayan ng mga kaloob doon sa Templo at pinagmamasdan ang mga taong naghuhulog ng pera. Maraming mayayaman ang naghulog ng malalaking halaga.
42Lumapit din ang isang mahirap na biyuda at naghulog ng dalawang pirasong barya.
43Tinawag ni Hesus ang mga alagad niya at sinabi, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa lahat ng nagbigay.
44Sapagkat silang lahat ay nagbigay lamang ng bahagi ng kanilang kayamanan. Ngunit ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng kanyang ikinabubuhay.”