Marcos 16

Muling Nabuhay si Hesus

(Mat. 28:1‑8; Luc. 24:1‑12; Juan 20:1‑10)

1Makalipas ang Araw ng Pamamahinga, sina Maria na taga-Magdala, Maria na ina ni Santiago, at Salome ay bumili ng pabango upang ipahid sa bangkay ni Hesus.

2Nang araw ng Linggo, kasisikat pa lang ng araw ay pumunta na sila sa libingan.

3Habang naglalakad sila, nagtatanungan sila kung sino ang mapapakiusapan nilang magpagulong ng bato na nakatakip sa pintuan ng libingan.

4Dahil napakalaki ng batong iyon. Ngunit pagdating nila roon, nakita nilang naigulong na sa tabi ang bato.

5Kaya pumasok sila sa libingan, at nakita nila roon ang isang kabataang lalaking nakasuot ng puti na nakaupo sa gawing kanan. Takot na takot sila.

6Ngunit sinabi ng lalaki sa kanila, “Huwag kayong matakot! Alam kong hinahanap ninyo si Hesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito. Nabuhay siyang muli! Tingnan ninyo ang pinaglagyan ng bangkay niya.

7Lumakad na kayo, sabihin ninyo sa mga alagad niya, lalo na kay Pedro, na mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita gaya ng sinabi niya.”

8Kaya lumabas sa libingan ang mga babae at tumakbo dahil sa matinding takot. Wala silang pinagsabihan, dahil takot na takot sila.[#16:8 Sa ilang manuskrito, maikli lamang ang pagwawakas ng aklat na ito pagkatapos ng talata 8|MRK 16:8: Ipinamalita ng mga babae kay Pedro at sa mga kasama niya ang lahat ng iniutos sa kanila ng binatang nasa libingan. Pagkatapos nito, isinugo mismo ni Hesus ang kanyang mga alagad upang ipangaral mula sa silangan hanggang sa kanluran ang banal at di-lilipas na mensahe ng kaligtasang walang hanggan. Amen.]

[

9Maagang-maaga pa nang araw ng Linggo nang nabuhay si Hesus. Una siyang nagpakita kay Maria na taga-Magdala. Siya ang babaeng may pitong demonyo na pinalayas ni Hesus.

10Pinuntahan ni Maria ang mga alagad ni Hesus na nagluluksa at umiiyak, at ibinalita niya ang mga pangyayari.

11Ngunit nang sabihin niyang buháy si Hesus at nakita niya mismo, hindi nila siya pinaniwalaan.

12Pagkatapos noon, nagpakita rin si Hesus sa dalawa pa niyang alagad na naglalakad patungo sa bukid, ngunit iba ang kanyang anyo.

13Kaya bumalik sa Jerusalem ang dalawa at ibinalita sa kanilang mga kasamahan na nagpakita sa kanila si Hesus. Ngunit hindi rin naniwala ang mga ito.

14Sa bandang huli, nagpakita rin si Hesus sa labing-isa niyang alagad habang kumakain ang mga ito. Pinagsabihan niya sila dahil sa kawalan nila ng pananampalataya at sa katigasan ng kanilang puso, sapagkat hindi sila naniwala sa mga nakakita sa kanya matapos siyang mabuhay muli.

15Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa kanila, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ninyo ang Magandang Balita sa lahat ng tao.

16Ang lahat ng sasampalataya at magpapabautismo ay maliligtas, ngunit ang hindi sasampalataya ay parurusahan.

17At ito ang mga palatandaang makikita sa mga taong sumasampalataya sa akin: Sa pamamagitan ng aking kapangyarihan, magpapalayas sila ng mga demonyo; magsasalita sila sa ibang mga wika;[#16:17 : Sa literal, sa aking pangalan.]

18kung dumampot man sila ng mga ahas o makainom ng anumang lason ay hindi sila mapapahamak; at gagaling ang mga maysakit na papatungan nila ng kanilang mga kamay.”

19Pagkatapos magsalita ni Hesus sa kanila, iniakyat siya sa langit at umupo sa kanan ng Diyos.

20Pumunta naman ang mga alagad niya sa ibaʼt ibang lugar at nangaral. Tinulungan sila ng Panginoon at pinatunayan niya ang ipinangangaral nila sa pamamagitan ng mga himala na kanilang ginagawa.][#16:20 Wala ang talata 9‑20|MRK 16:9‑20 sa mga naunang manuskrito, gayundin sa mga naunang salin nito.]

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.