Marcos 5

Pinagaling ni Hesus ang Sinapian ng Demonyo

(Mat. 8:28‑34; Luc. 8:26‑39)

1Dumating sila sa kabila ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno.[#5:1 : Sa ilang manuskritong Griyego, Gergeseno o Gadareno.]

2Pagbaba ni Hesus sa bangka, may isang lalaking lumabas mula sa mga kuwebang libingan para salubungin siya. Ang lalaking itoʼy sinasaniban ng masamáng espiritu,

3at doon na siya nakatira sa mga libingan. Hindi siya maigapos ng matagal kahit kadena pa ang gamitin nila.

4Ilang beses nang ikinadena ang mga kamay at paa niya, ngunit nilalagot lang niya ang mga ito. Walang nakakapigil sa kanya.

5Araw at gabi siyang sumisigaw sa libingan at kaburulan, at sinusugatan niya ng bato ang kanyang sarili.

6Malayo pa lang ay natanaw na niya si Hesus kaya patakbo siyang lumapit at lumuhod sa harapan nito.

7Sumigaw siya nang malakas, “Ano ang pakay mo sa akin, Hesus na Anak ng Kataas-taasang Diyos? Nakikiusap ako, sa pangalan ng Diyos, huwag mo akong pahirapan!”

8Sinabi niya ito sapagkat iniutos ni Hesus, “Ikaw na masamáng espiritu, lumabas ka sa taong iyan!”

9Tinanong siya ni Hesus, “Ano ang pangalan mo?”

Sumagot siya, “Hukbo ang pangalan ko, kasi marami kami.”

10At paulit-ulit itong nagmakaawa kay Hesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.

11Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain sa gilid ng burol.

12Nagmakaawa kay Hesus ang mga demonyo, “Papuntahin mo na lang kami sa mga baboy; hayaan mo kaming pumasok sa kanila.”

13Kaya pinayagan sila ni Hesus. Lumabas nga ang masasamáng espiritu sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Ang buong kawan ng baboy na may dalawang libo ay nagtakbuhan pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.

14Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng mga baboy papunta sa bayan at ipinamalita roon at sa mga kalapit-nayon ang nangyari. Kaya nagdatingan ang mga tao upang alamin ang tunay na nangyari.

15Pagdating nila kay Hesus, nakita nila ang taong dating sinaniban ng hukbo ng masasamáng espiritu. Nakaupo siya at nakadamit, at matino na ang pag-iisip, kayaʼt natakot ang mga tao.

16Ikinuwento sa kanila ng mga nakasaksi kung ano ang nangyari sa taong iyon at sa mga baboy.

17Dahil dito, pinakiusapan ng mga tao si Hesus na umalis sa kanilang lugar.

18Nang pasakay na si Hesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang lalaking dating sinapian ng demonyo na isama siya.

19Ngunit hindi pumayag si Hesus. Sa halip, sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka sa pamilya mo at sabihin mo sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at kung paano ka niya kinaawaan.”

20Kaya umalis ang lalaki at ipinamalita sa Decapolis ang ginawa sa kanya ni Hesus, at namangha ang lahat ng nakarinig.[#5:20 : O Ang Sampung Bayan.]

Ang Anak ni Jairo at ang Babaeng Dinudugo

(Mat. 9:18‑26; Luc. 8:40‑56)

21Nang makabalik na sina Hesus sa kabilang ibayo ng lawa sakay ng bangka, nasa dalampasigan pa lamang siya ay naglapitan na agad ang napakaraming tao.

22Isa sa mga namumuno sa sinagoga na nagngangalang Jairo ang dumating doon. Pagkakita niya kay Hesus, lumuhod siya sa paanan ni Hesus

23at nagsumamo, “Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita, kaya kung maaari, sumáma po kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, upang gumaling siya at mabuhay!”

24Kaya sumáma sa kanya si Hesus.

Sinundan siya ng napakaraming tao na nagsisiksikan sa kanya.

25May isang babae roon na labindalawang taon nang dinudugo.

26Maraming hirap na ang dinanas niya sa kamay ng ibaʼt ibang manggagamot. Naubos na rin ang lahat ng ari-arian niya sa pagpapagamot, pero sa halip na gumaling ay lalo pang lumala ang kanyang sakit.

27Nabalitaan niya ang tungkol kay Hesus, kaya nakipagsiksikan siya sa mga tao upang mahipo man lang ang damit ni Hesus.

28Naisip kasi niya, “Mahawakan ko lamang ang damit niya ay gagaling na ako.”

29Biglang tumigil ang kanyang pagdurugo nang mahipo niya ang damit ni Hesus, at naramdaman niyang magaling na siya.

30Agad namang naramdaman ni Hesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya lumingon siya at nagtanong, “Sino ang humawak sa damit ko?”

31Sumagot ang mga alagad niya, “Sa dami po ng mga taong nagsisiksikan, bakit pa ninyo tinatanong kung sino ang humawak sa inyo?”

32Ngunit patuloy siyang lumingon-lingon upang makita kung sino ang humipo sa kanya.

33Dahil alam ng babae kung ano ang nangyari sa kanya, lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Hesus, at ipinagtapat ang kanyang ginawa.

34Sinabi sa kanya ni Hesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Malaya ka na sa iyong paghihirap, kaya umuwi kang mapayapa.”

35Habang kausap pa ni Hesus ang babae, dumating ang ilang tao mula sa bahay ni Jairo na isa sa mga namumuno sa sinagoga. Sinabi nila kay Jairo, “Patay na po ang anak ninyo. Kahit huwag nʼyo na pong abalahin ang guro.”

36Ngunit hindi pinansin ni Hesus ang sinabi nila. Sa halip, sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang.”

37Hindi pinayagan ni Hesus ang mga tao na sumáma sa kanya sa bahay ni Jairo maliban kay Pedro at sa magkapatid na Santiago at Juan.

38Pagdating nila roon, nakita ni Hesus ang kaguluhan, may mga umiiyak at humahagulgol.

39Pumasok siya sa bahay at sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata kundi natutulog lang!”

40Ngunit pinagtawanan lamang siya ng mga ito.

Pinalabas niya silang lahat maliban sa amaʼt ina ng bata at sa tatlo niyang alagad. Pagkatapos, pumasok sila sa kuwartong kinaroroonan ng bata.

41Hinawakan niya ito sa kamay at sinabi, “Talitha koum!” (na ang ibig sabihin ay “Ineng, bumangon ka”).

42Bumangon naman agad ang bata at naglakad-lakad (siyaʼy labindalawang taóng gulang). Labis ang pagkamangha ng mga nakasaksi sa nangyari.

43Ngunit mahigpit silang pinagbilinan ni Hesus na huwag ipagsabi kahit kanino ang nangyari. Pagkatapos, sinabihan sila ni Hesus na bigyan ng makakain ang bata.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.