The chat will start when you send the first message.
1Umalis si Hesus sa lugar na iyon at umuwi sa sarili niyang bayan, kasama ang mga alagad niya.
2Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, pumunta siya sa sinagoga at nagturo. At marami sa mga nakarinig sa kanya ang namangha.
Sinabi nila, “Saan kaya niya nakuha ang mga itinuturo niyang ito? At ano ang karunungang ito na ibinigay sa kanya? Paano siya nakagagawa ng mga himala?
3Hindi baʼt siya ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? Ang mga kapatid niyang babae ay dito rin nakatira sa atin, hindi ba?” Dahil dito, nagalit sila at hindi naniwala sa kanya.
4Sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang isang propeta ay iginagalang kahit saan, maliban sa kanyang sariling bayan, mga kamag-anak at pamilya.”
5Dahil ayaw nilang maniwala sa kanya, hindi siya nakagawa ng mga himala roon maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling.
6Namangha siya dahil hindi sila nanampalataya.
Pagkatapos, nilibot ni Hesus ang mga kanayunan at nagturo sa mga tao.
7Tinawag niya ang labindalawang alagad at sinugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamáng espiritu.
8Ito ang kanyang mga bilin: “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay; pagkain, balutan, o pera, maliban sa isang tungkod.
9Magsuot kayo ng sandalyas, pero huwag kayong magdala ng bihisan.
10Kapag dumating kayo sa isang bayan, manatili kayo sa tahanang nagpatuloy sa inyo hanggang sa pag-alis ninyo sa lugar na iyon.
11Kung may lugar na ayaw kayong tanggapin at ayaw kayong pakinggan, ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa sa pag-alis ninyo, bilang babala laban sa kanila.”
12Kaya umalis ang labindalawang alagad at nangaral sa mga tao na dapat silang magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan.
13Pinalayas nila ang mga demonyo at pinahiran ng langis ang mga maysakit at pinagaling.
14Nabalitaan ni Haring Herodes ang tungkol kay Hesus dahil kilalang-kilala na siya kahit saan. May mga nagsasabi, “Siya si Juan na Tagapagbautismo na muling nabuhay, kaya nakakagawa siya ng mga himala.”
15Ang sabi naman ng iba, “Siya si Elias.” At may mga nagsasabi rin, “Siya ay isang propeta na tulad ng mga propeta noong unang panahon.”
16Ngunit nang mabalitaan ito ni Herodes, sinabi niya, “Muling nabuhay si Juan na pinapugutan ko ng ulo!”
17Sapagkat ipinadakip noon ni Herodes si Juan, ipinagapos at ipinabilanggo. Ginawa niya ito dahil sa kagustuhan ni Herodias na kanyang pinakasalan at kinakasama bagamaʼt itoʼy asawa ng kapatid niyang si Felipe.
18Palaging sinasabihan ni Juan si Herodes, “Labag sa Kautusan na agawin mo ang asawa ng iyong kapatid.”
19Kaya nagkimkim ng galit si Herodias kay Juan, at gusto niya itong ipapatay. Subalit hindi niya ito magawa,
20dahil takot si Herodes kay Juan at sinisikap niyang hindi ito mapahamak. Alam kasi ni Herodes na matuwid at mabuting tao si Juan. At kahit nababagabag siya sa mga sinasabi ni Juan, gustong-gusto pa rin niyang makinig dito.
21Subalit dumating ang pagkakataong pinakahihintay ni Herodias. Kaarawan noon ni Herodes at nagdaos siya ng malaking handaan. Inimbita niya ang mga opisyal ng Galilea, mga kumander ng mga sundalo at iba pang mga tinitingalang tao roon.
22Nang oras na ng handaan, pumasok ang anak na babae ni Herodias at sumayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga bisita niya.
Kaya sinabi ni Herodes sa dalaga, “Hingin mo ang kahit na anoʼng gusto mo at ibibigay ko saʼyo.”
23At sumumpa pa siya, “Ibibigay ko ang anumang hingin mo, kahit kalahati pa ng kaharian ko.”
24Lumabas muna ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano po ang hihingin ko?”
Sumagot ito, “Hingin mo ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.”
25Kaya dali-daling bumalik ang dalaga sa hari at sinabi, “Gusto ko pong ibigay ninyo sa akin, ngayon din, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang bandehado.”
26Labis itong ikinalungkot ng hari, ngunit dahil nangako siya sa harap ng kanyang mga bisita, hindi niya ito matanggihan.
27Kaya pinapunta niya agad sa bilangguan ang isang kawal upang dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Pumunta ang kawal sa bilangguan at pinugutan si Juan.
28Inilagay niya ang ulo sa bandehado at ibinigay sa dalaga, at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina.
29Nang mabalitaan ng mga alagad ni Juan ang nangyari, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
30Bumalik ang mga apostol na isinugo ni Hesus, at ikinuwento nila sa kanya ang lahat ng ginawa at ipinangaral nila.
31Dahil sa dami ng mga taong dumarating at umaalis, wala na silang panahon kahit kumain man lang. Kaya sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, “Halikayo! Punta tayo sa hindi mataong lugar upang makapagpahinga.”
32Sumakay sila sa isang bangka at pumunta sa hindi mataong lugar.
33Ngunit marami ang nakakita sa kanilang pag-alis at nakilala sila ng mga ito, kaya nagtakbuhan ang mga tao, mula sa ibaʼt ibang bayan, sa pupuntahan nina Hesus at nauna pa silang dumating doon.
34Nang bumaba si Hesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. Kayaʼt siyaʼy nagturo sa kanila ng maraming bagay.
35Nang dapit-hapon na, lumapit kay Hesus ang mga alagad niya at sinabi, “Liblib ang lugar na ito at gumagabi na.
36Paalisin nʼyo na po ang mga tao nang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.”
37Ngunit sinabi ni Hesus sa kanila, “Kayo ang magpakain sa kanila.”
Sumagot sila, “Ibig po ba ninyong sabihin ay gagastos kami ng higit kalahating taóng sahod sa tinapay para may makain sila?”
38Tinanong sila ni Hesus, “Ilan ba ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo.”
Tiningnan nga nila, at sinabi kay Hesus, “Mayroon po tayong limang tinapay at dalawang isda.”
39Pagkatapos, inutusan sila ni Hesus na paupuin nang pangkat-pangkat ang mga tao sa damuhan.
40Kaya umupo nga sila nang pangkatan, may tig-iisang daan at may tiglilimampu.
41Kinuha ni Hesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ang tinapay at ibinigay sa mga alagad niya para ipamahagi sa mga tao. Pinagpira-piraso niya rin ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila.
42Kumain silang lahat at nabusog,
43at nang tipunin ng mga alagad ang natirang tinapay at isda ay nakapuno sila ng labindalawang kaing.
44Ang bilang ng mga lalaking kumain ay limang libo.
45Pagkatapos nitoʼy pinasakay agad ni Hesus sa bangka ang mga alagad niya at pinauna sa bayan ng Betsaida, sa kabilang ibayo ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao.
46Matapos siyang magpaalam sa lahat, umakyat siya sa isang bundok upang manalangin.
47Pagsapit ng gabi, nasa laot na ang bangka at si Hesus ay nag-iisa sa pampang.
48Nakita niyang hirap sa pagsagwan ang mga alagad niya, dahil salungat sila sa hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Lalampasan na lang sana niya sila,
49ngunit nang makita siya ng mga alagad niya na lumalakad sa ibabaw ng tubig, inisip nilang multo siya kayaʼt nagsigawan sila.
50Takot na takot silang lahat sa nakita nila.
Ngunit nagsalita agad si Hesus, “Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob.”
51Sumakay siya sa bangka at biglang tumigil ang malakas na hangin. Lubos silang namangha,
52dahil hindi pa rin sila nakakaunawa kahit nakita na nila ang himalang ginawa ni Hesus sa tinapay. Sa halip na makaunawa, matigas ang puso nila.
53Nang makatawid na sila sa lawa, dumating sila sa Genesaret at doon nila idinaong ang bangka.
54Pagbaba nila, nakilala agad ng mga tao roon si Hesus,
55kaya nagmamadaling tumakbo ang mga ito upang ipamalita sa buong lugar. Inilagay sa mga higaan ang mga maysakit at dinala kay Hesus saan man nila mabalitaang naroon siya.
56Kahit saan siya pumunta – sa nayon, sa bayan, o sa kabukiran – dinadala ng mga tao ang kanilang mga maysakit sa mga lugar na pinagtitipunan ng mga tao. Nagmakaawa sila kay Hesus na payagan niya ang mga maysakit na hawakan kahit ang laylayan lang ng kanyang damit. At ang lahat ng humawak ay gumaling.