1Samantala, nang mapag-isip-isip ni Balaam na gusto ng Panginoon na pagpalain ang Israel, hindi na siya nangkulam katulad ng ginawa niya noong una. Sa halip, humarap siya sa disyerto
2at nakita niya ang mga Israelita na nagkakampo ayon sa kani-kanilang lahi. Pagkatapos, pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos,
3at sinabi niya, “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa.[#24:3 : Sa literal, paningin. Ganito rin sa talata 15|NUM 24:15.]
4Narinig ko ang salita ng Diyos, at nakakita ako ng isang pangitain na mula sa Diyos na Makapangyarihan. Nagpatirapa ako at nagpahayag siya sa akin. Ito ang aking mensahe:[#24:4 : Sa literal, binuksan ang aking mga mata. Ganito rin sa talata 16|NUM 24:16.]
5‘Anong ganda ng inyong
mga toldang tinitirhan
ng mga mamamayan ng Israel
na lahi ni Jacob.
6Katulad ito ng mga nakahanay
na palma,
o ng mga tanim sa tabing-ilog.
Katulad din ito ng puno ng aloe
na itinanim ng Panginoon ,
o ng mga puno ng sedro
sa tabi ng tubig.
7Umaapaw ang mga tubig
sa kanilang mga lalagyan,
at nagtatanim sila ng buto
sa mga lupang sagana sa tubig.
Ang kanilang hari ay magiging
mas nakahihigit pa
kaysa kay Agag
na hari ng Amalekita,
at ang kanilang kaharian
ay magiging tanyag.
8Inilabas sila ng Diyos sa Ehipto;
para sa kanila, katulad siya
ng isang malakas na toro.
Lulupigin nila
ang kanilang mga kaaway;
tutuhugin sa tulis ng pana
at dudurugin
ang kanilang mga buto.
9Katulad sila ng mga leon
na kapag nakatulog na
ay wala nang mangangahas pang
gumising sa kanila.
Pagpapalain ang mga nagpapala
sa kanila
at susumpain ang mga sumusumpa
sa kanila.’ ”
10Dahil dito, naging matindi ang galit ni Balak kay Balaam. Isinuntok niya ang kanyang kamao sa kanyang palad at sinabi, “Ipinatawag kita para sumpain ang aking mga kaaway, ngunit binasbasan mo pa sila ng tatlong beses.
11Umuwi ka na lang! Nangako ako sa iyong babayaran kita ng malaking halaga, ngunit hindi pumayag ang Panginoon na matanggap mo ang bayad.”
12Sumagot si Balaam kay Balak, “Hindi baʼt sinabihan ko ang iyong mga mensahero,
13na kahit ibigay mo pa sa akin ang iyong palasyong puno ng pilak at ginto, hindi ako makakagawa ng sarili kong kagustuhan, masama man ito o mabuti. Kung ano ang sinasabi ng Panginoon sa akin, iyon lang ang aking sasabihin.
14Uuwi ako ngayon din sa aking mga kababayan, ngunit bago ako umalis, paaalalahanan muna kita kung ano ang gagawin ng mga Israelitang ito sa iyong mga mamamayan balang araw.”
15Pagkatapos, sinabi ni Balaam ang propesiyang ito:
“Ako si Balaam na anak ni Beor,
at may malinaw akong pang-unawa.
16Narinig ko ang salita ng Kataas-taasang Diyos,
at nakakita ako ng pangitain
mula sa Diyos na Makapangyarihan.
Nagpatirapa ako sa kanya
at nagpahayag siya sa akin:
17“May nakita ako
sa aking pangitain
na hindi pa nangyayari.
Sa hinaharap ay mamamahala
ang isang hari sa Israel
mula sa lahi ni Jacob.
Ibabagsak niya ang mga Moabita
at ang lahat ng lahi ni Set.
18Sasakupin niya ang Edom
na kanyang kaaway,
na tinatawag ding Seir,
habang tumatatag ang Israel.
19Mamumuno ang isang pinuno
sa Israel
at ibabagsak niya
ang mga natirang buháy
sa lungsod ng Moab.”
20Pagkatapos, nakita ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Amalekita at sinabi niya:
“Ang Amalek noon ang nangunguna
sa mga bansa,
ngunit sa huli, babagsak ito.”
21Pagkatapos, nakita na naman ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Cineo at sinabi niya,
“Matatag ang inyong tinitirhan,
dahil nakatayo ito sa mga bato
22ngunit babagsak kayo
kapag binihag kayo ng Asiria.”
23At sinabi pa ni Balaam ang mensaheng ito,
“Kahabag-habag!
Sino ba ang mabubuhay
kung gagawin ito ng Diyos?
24Darating ang mga barko mula sa Kitim
at sasakupin nila ang mga mamamayan
ng Asiria at ng Eber,
ngunit babagsak din ang Kitim.”
25Pagkatapos, umuwi si Balaam at ganoon din si Balak.