The chat will start when you send the first message.
1Panginoon , pakinggan nʼyo ang aking dalangin.
Ang paghingi ko sa inyo ng tulong
ay inyong dinggin.
2Sa oras ng aking paghihirap
ay huwag sana kayong magtago sa akin.
Pakinggan nʼyo ako
at agad na sagutin.
3Dahil ang buhay koʼy unti-unti
nang naglalaho tulad ng usok;
at ang katawan koʼy para nang sinusunog.
4Akoʼy parang damong nalalanta na.
Wala na rin akong ganang kumain.
5Dahil sa labis na pagdaing,
akoʼy halos butoʼt balat na lang.
6Ang tulad koʼy mailap na kuwago sa ilang,
at kuwago sa mga lugar na walang tao.
7Hindi ako makatulog;
akoʼy parang ibong nag-iisa sa bubungan.
8Araw-gabi akong iniinsulto
ng aking mga kaaway.
Ang mga kumukutya sa akin
ay ginagamit ang aking pangalan sa pagsumpa.
9Hindi ako kumakain;
umuupo na lang ako sa abo
at umiiyak hanggang sa ang luha koʼy
humalo sa aking inumin,
10dahil sa tindi ng inyong galit sa akin;
dinampot nʼyo ako at itinapon.
11Ang buhay koʼy nawawala na parang anino,
at nalalantang gaya ng damo.
12Ngunit kayo Panginoon ay naghahari magpakailanman;
at hindi kayo makakalimutan sa lahat ng salinlahi.
13Handa na kayong kahabagan ang Zion,
dahil dumating na ang takdang panahon
na ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanya.
14Sapagkat tunay na minamahal at pinagmamalasakitan
pa rin ng inyong mga lingkod ang Zion,
kahit itoʼy gumuho na at nawasak.
15Ang mga bansa ay matatakot sa Panginoon .
Igagalang ng lahat ng hari sa mundo
ang inyong kaluwalhatian.
16Dahil muling itatayo ng Panginoon ang Zion;
ipapakita niya ang kanyang kaluwalhatian doon.
17Sasagutin niya ang panalangin
ng mga naghihirap,
at hindi niya tatanggihan
ang kanilang mga dalangin.
18Isusulat ito para sa susunod na salinlahi,
upang sila rin ay magpupuri sa Panginoon :
19Mula sa kanyang banal na lugar sa langit,
tinitingnan ng Panginoon ang lahat sa mundo,
20upang pakinggan ang mga daing
ng mga bihag,
at palayain ang mga nakatakdang bibitayin.
21At dahil dito mahahayag ang ginawa ng Panginoon sa Zion,
at siyaʼy papurihan sa lungsod ng Jerusalem
22kapag nagtipon na ang mga tao
mula sa mga bansa,
at mga kaharian upang sumamba sa Panginoon .
23Pinahina ng Panginoon ang aking katawan;
at ang buhay koʼy kanyang pinaikli.
24Kaya sinabi ko,
“O aking Diyos na buháy magpakailanman,
huwag nʼyo muna akong kunin sa kalagitnaan ng aking buhay.
25Nang pasimula paʼy nilikha mo ang sanlibutan,
at ikaw rin ang lumikha ng kalangitan.
26Maglalaho ang mga ito,
ngunit ikaʼy mananatili magpakailanman.
Maluluma itong lahat tulad ng damit.
At gaya ng kasuotan, itoʼy inyong papalitan
at itatapon.
27Ngunit ikaʼy hindi magbabago,
at mananatiling buháy magpakailanman.
28Ang mga lahi ng inyong mga lingkod
ay mamumuhay nang ligtas
sa mga panganib
at iingatan nʼyo sila.”