The chat will start when you send the first message.
1O Diyos, ingatan nʼyo po ako,
dahil sa inyo ako nanganganlong.
2Sinabi ko sa Panginoon ,
“Kayo ang aking Panginoon .
Lahat ng kabutihang nakamtan ko
ay mula sa inyo.”
3Tungkol naman sa mga taong banal
na nasa lupaing ito,
lubos ko silang kinalulugdan.
4Ngunit ang mga piniling sumamba
sa mga diyos-diyosan
ay lalong mahihirapan.
Hindi ako sasáma sa paghahandog nila ng dugo
sa kanilang mga diyos-diyosan,
at ayaw kong banggitin man lang
ang pangalan ng mga ito.
5Panginoon , kayo ang lahat sa aking buhay.
Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.
Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.
6Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin
ay parang kaaya-ayang taniman.
Tunay na napakaganda
ng pamana nʼyo sa akin.
7Pupurihin ko kayo, Panginoon , na sa akin ay nagpapayo.
At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.
8Panginoon palagi ko kayong iniisip,
at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
9Kayaʼt nagagalak ang aking puso,
at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.
10Sapagkat hindi ninyo pababayaan
na mapunta ako sa lugar ng mga patay;
hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan
ang matapat ninyong lingkod.
11Itinuro ninyo sa akin ang landas
patungo sa buháy
na puno ng kasiyahan,
at sa piling nʼyo, aking matatagpuan
ang ligayang walang hanggan.