The chat will start when you send the first message.
1Pupurihin ko ang Panginoon
sa lahat ng oras.
Ang aking bibig ay hindi titigil
sa pagpupuri sa kanya.
2Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon ;
maririnig ito ng mga api
at silaʼy magagalak.
3Halikayo! Ipahayag natin
ang kadakilaan ng Panginoon ,
at itaas natin ang kanyang pangalan.
4Akoʼy nanalangin sa Panginoon
at akoʼy kanyang sinagot.
Pinalaya niya ako sa lahat
ng aking takot.
5Ang mga umaasa sa kanya
ay nagniningning ang mata
sa kaligayahan,
at walang bahid ng hiya
sa kanilang mukha.
6Noong wala na akong pag-asa,
tumawag ako sa Panginoon .
Akoʼy kanyang pinakinggan
at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas
kong kahirapan.
7Ang anghel ng Panginoon
ay nagbabantay
sa mga may takot sa Diyos,
at ipinagtatanggol niya sila.
8Subukan ninyo at inyong makikita,
kung gaano kabuti ang Panginoon .
Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan sa kanya!
9Kayong mga hinirang ng Panginoon ,
matakot kayo sa kanya,
dahil ang may takot sa kanya
ay hindi kukulangin sa lahat
ng pangangailangan.
10Kahit mga leon ay kukulangin
sa pagkain at magugutom,
ngunit hindi kukulangin
ng mabubuting bagay
ang mga nagtitiwala sa Panginoon .
11Lumapit kayo, kayong gustong matuto sa akin.
Pakinggan ninyo ako at tuturuan ko kayo
ng pagkatakot sa Panginoon .
12Kung nais ninyo ng masaya
at mahabang buhay,
13iwasan ninyo ang masamang pananalita
at pagsisinungaling.
14Lumayo kayo sa masama
at gawin ninyo ang mabuti.
Pagsikapan ninyong kamtin
ang kapayapaan.
15Iniingatan ng Panginoon
ang mga matuwid,
at pinakikinggan niya ang kanilang mga daing.
16Ngunit kinakalaban ng Panginoon
ang mga gumagawa ng masama.
Silaʼy kanyang nililipol
hanggang sa hindi na sila maalala
ng mga tao sa mundo.
17Tinutugon ng Panginoon ang panalangin
ng mga matuwid,
at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin.
18Malapit ang Panginoon
sa mga may bagbag na puso,
at tinutulungan niya ang mga nawawalan ng pag-asa.
19Marami ang paghihirap
ng mga matutuwid,
ngunit inililigtas sila ng Panginoon
sa lahat ng ito.
20Silaʼy iniingatan ng Panginoon ,
at kahit isang buto nilaʼy hindi mababali.
21Ang masamang tao ay papatayin
ng kanyang kasamaan.
At silang nagagalit sa taong matuwid
ay parurusahan ng Diyos.
22Ngunit ililigtas ng Panginoon
ang kanyang mga lingkod,
at hindi parurusahan ang isa man
sa mga naghahanap ng kaligtasan sa kanya.