1Nabalitaan ni Judas ang lakas at tapang ng mga kawal ng Roma. Bantog na bantog sila at nagmamalasakit sa alinmang bansang maging kakampi nila.
2Nabalitaan din ni Judas ang pakikipaglaban at paglupig nila sa mga taga-Galia, at ang pagpapabuwis sa mga ito.
3-4Sa mabisang pamamaraa'y nasakop din ng hukbo ng Roma ang buong Espanya, bagaman malayo ito, at ang lahat ng mina ng pilak at ginto ay kanilang nakuha. Nalupig nila ang mga haring galing pa sa malalayong lugar at ang nakaligtas sa kanila'y pinagbabayad nila ng buwis taun-taon.
5Kahit sina Haring Felipe at Perseo ng Macedonia at iba pang tumulong sa kanilang harapin ang mga taga-Roma ay pawang nalupig at naging alipin.
6Wala ring nagawa ang balitang-balitang si Antiocong Dakila, hari ng Asia, na nangahas lumaban sa mga taga-Roma, kasama ang malaking hukbo niyang binubuo ng mga mangangabayo, mga karwahe at 120 elepante.
7Nahuli nilang buháy ang hari; siya at ang susunod pang mga hari ay itinakdang magbayad ng kaukulang buwis. At kinakailangang magbigay sila ng mga alipin
8at isuko ang ilang pangunahing lalawigan nila nang panahong iyon kasama ang India, Media at Lidia. Ang mga ito'y kinuha ng mga taga-Roma at ibinigay kay Haring Eumenes.
9Tinangka ng mga taga-Grecia na salakayin sila at lipulin.
10Ngunit natuklasan ito ng mga taga-Roma, at isa lamang heneral nila ang isinugo para lumaban. Sa magiting na pangunguna nito, tinalo ang mga kaaway at nabihag ang mga asawa't anak nila. Pinasok ng mga taga-Roma ang Grecia, sinamsam ang mga ari-arian, sinakop ang lupain, winasak ang mga tanggulan at inalipin ang mga mamamayan hanggang sa mga panahong ito.
11Nawasak din at naging alipin nila ang lahat ng mga bansa at kahariang nagtangkang lumaban.
12Ngunit sa mga kumakampi at umaasa sa kanila, sila'y nanatiling kaibigan. Walang haring di nila nalupig at ang makabalita nito'y natatakot sa kanila.
13Sinumang gusto nilang maging hari ay tinutulungan nilang maging hari, at sinumang hari na gustong ibagsak ay ibinabagsak nila. Kaya kinilala ang kapangyarihan nila.
14Sa kabila ng lahat ng ito, wala isa mang taga-Roma na nagtangkang magputong ng korona sa sarili at magsuot ng damit ng hari.
15Ang binuo nila ay isang Senado na binubuo ng 320 lalaki at nagpupulong ito araw-araw upang pag-usapan ang mga bagay sa ikauunlad ng bayan.
16Taun-taon, ipinagkakatiwala nila sa isang tao ang pangangasiwa sa bansa. Sinusunod nila ito nang walang inggitan o panibugho.
17Dahil sa magandang balitang ito, isinugo ni Judas si Eupolemo na anak ni Juan at apo ni Acco. Pinasama niya si Jason na anak ni Eleazar at pinapunta sila sa Roma para makipagkaibigan sa bansang ito.[#2 Mcb. 4:11.]
18Naisip niyang ito ang paraan upang makaiwas sa napipintong pang-aalipin ng mga Griego.
19Pagkatapos ng mahabang paglalakbay, dumating ang mga sugo sa Roma. Nagtuloy sila agad sa Senado at nagsalita ng ganito sa harap ng kapulungan: “Kami po'y mga sugo ng aming bansang Judio
20at ipinadala rito ni Judas Macabeo at ng kanyang mga kapatid para makipagkaibigan sa inyo. Nais naming makipagkaibigan sa inyo.”
21Ang alok na ito'y ikinatuwa ng mga taga-Roma.
22Ang tugon nila'y iniukit sa isang tapyas na tanso at ipinadala sa Jerusalem upang maging alaala ng kapayapaan at pakikipagkaisa. Ganito ang isinasaad:[#1 Mcb. 14:18.]