Isaias 15

Wawasakin ng Diyos ang Moab

1Ito ang pahayag tungkol sa Moab:[#Isa. 25:10-12; Jer. 48:1-47; Eze. 25:8-11; Amos 2:1-3; Zef. 2:8-11.]

Noong gabing gibain ang Ar,

gumuho na ang Moab,

noong gabing wasakin ang Kir,

bumagsak na ang Moab.

2Umahon sa mga templo ang mga taga-Dibon,[#2 Sa ibang manuskrito'y .]

upang sa mga burol sila ay manangis;

iniiyakan ng Moab ang Nebo at Medeba.

Bawat isa sa kanila'y nagpakalbo

at nag-ahit ng balbas dahil sa pagdadalamhati.

3Lahat ay nagluluksa sa mga lansangan,

nanaghoy sila sa mga bubungan ng bahay

at sa mga liwasang-bayan.

4Nananaghoy ang Hesbon at ang Eleale,

dinig hanggang Jahaz ang kanilang iyakan,

nasisindak pati mga mandirigma ng Moab,

silang mga kawal, ngayo'y naduduwag.

5Nahahabag ako sa Moab,

nagsisitakas ang kanyang mamamayan

patungo sa lupain ng Zoar, hanggang Eglat-selisiya.

Lumuluha silang umahon sa gulod ng Luhit,

humahagulgol sa daang patungo sa Horonaim,

dahil sa kapahamakang kanilang sinapit.

6Natuyo ang mga batis ng Nimrim,

natuyo ang mga damo, natigang ang mga kaparangan,

walang natirang sariwang halaman.

7Kaya itinawid nila sa kabila ng Batis Herabim

ang lahat nilang kayamanan at ari-arian.

8Laganap sa buong Moab ang iyakan,

abot sa Eglaim ang hagulgulan,

dinig na dinig hanggang sa Beer-elim.

9Pumula sa dugo ang mga batis ng Dibon;

ngunit may iba pang sakunang inihanda ko para sa kanya:

Papatayin ng leon ang lahat ng matitira sa Moab.

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society