MGA AWIT 66

Sa Pangulong Manunugtog. Awit, Salmo.

1Magkaingay kayong may kagalakan sa Dios, buong lupa.[#Awit 95:1.]

2Awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kaniyang pangalan:

Paluwalhatiin ninyo ang pagpuri sa kaniya.

3Inyong sabihin sa Dios, Napaka kakilakilabot ng iyong mga gawa![#Awit 47:2; Apoc. 15:3.]

Sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan ay magsisuko ang iyong mga kaaway sa iyo.

4Buong lupa ay sasamba sa iyo,

At aawit sa iyo;

Sila'y magsisiawit sa iyong pangalan. (Selah)

5Kayo ay magsiparito, at tingnan ninyo ang mga gawa ng Dios;[#Awit 46:8.]

Siya'y kakilakilabot sa kaniyang gawain sa mga anak ng mga tao.

6Kaniyang pinagiging tuyong lupa ang dagat:[#Ex. 14:21; Jos. 3:14-17; Awit 74:15.]

Sila'y nagsidaan ng paa sa ilog:

Doo'y nangagalak kami sa kaniya.

7Siya'y nagpupuno ng kaniyang kapangyarihan magpakailan man:

Papansinin ng kaniyang mga mata ang mga bansa:

Huwag mangagpakabunyi ang mga manghihimagsik. (Selah)

8Oh purihin ninyo ang ating Dios, ninyong mga bayan,

At iparinig ninyo ang tinig ng kaniyang kapurihan:

9Na umaalalay sa ating kaluluwa sa buhay,

At hindi tumitiis na makilos ang ating mga paa.

10Sapagka't ikaw, Oh Dios, tinikman mo kami:[#Awit 26:2; Is. 48:10.]

Iyong sinubok kami na para ng pagsubok sa pilak.

11Iyong isinuot kami sa silo;

Ikaw ay naglagay ng mainam na pasan sa aming mga balakang.

12Iyong pinasakay ang mga tao sa aming mga ulo;[#Is. 51:23.]

Kami ay nangagdaan sa apoy at sa tubig;

Nguni't dinala mo kami sa saganang dako.

13Ako'y papasok sa iyong bahay na may mga handog na susunugin,[#Awit 116:18, 19.]

Aking babayaran sa iyo ang mga panata ko,

14Na sinambit ng aking mga labi,

At sinalita ng aking bibig, nang ako'y nasa kadalamhatian.

15Ako'y maghahandog sa iyo ng mga matabang handog na susunugin,

Na may haing mga tupa;

Ako'y maghahandog ng mga toro na kasama ng mga kambing. (Selah)

16Kayo'y magsiparito at dinggin ninyo, ninyong lahat na nangatatakot sa Dios,[#Awit 31:11.]

At ipahahayag ko kung ano ang kaniyang ginawa sa aking kaluluwa.

17Ako'y dumaing sa kaniya ng aking bibig,

At siya'y ibinunyi ng aking dila.

18Kung pinakundanganan ko ang kasamaan sa aking puso,[#Kaw. 1:28; Juan 9:31; Sant. 4:3.]

Hindi ako didinggin ng Panginoon:

19Nguni't katotohanang dininig ako ng Dios;

Kaniyang pinakinggan ang tinig ng aking dalangin.

20Purihin ang Dios,

Na hindi iniwaksi ang aking dalangin,

Ni ang kaniyang kagandahang-loob sa akin.

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society