1 Mga Hari 12

Nagrebelde ang Israel kay Rehoboam

(2~Cro. 10:1‑19)

1Pumunta si Rehoboam sa Shekem, kung saan nagtipon ang buong Israel upang hirangin siyang hari.

2Nang mabalitaan ito ni Jeroboam na anak ni Nebat, bumalik siya sa Israel. (Sapagkat nooʼy nakatira pa siya sa Ehipto, kung saan siya pumunta noong tinakasan niya si Haring Solomon.)

3Ipinatawag ng buong Israel si Jeroboam at pumunta sila kay Rehoboam at sinabi,

4“Mabigat ang mga ipinapatupad ng inyong ama sa amin. Ngunit kung pagagaanin nʼyo ito, paglilingkuran namin kayo.”

5Sumagot si Rehoboam, “Bigyan nʼyo muna ako ng tatlong araw para pag-isipan ito, pagkatapos, bumalik kayo sa akin.” Kaya umuwi ang mga tao.

6Nakipagkita agad si Haring Rehoboam sa mga matatandang tagapayo na naglingkod sa kanyang amang si Solomon noong nabubuhay pa ito. Nagtanong si Rehoboam sa kanila, “Ano ba ang maipapayo ninyo na isasagot ko sa hinihiling ng mga taong iyon?”

7Sumagot sila, “Kung ipapakita mo ngayon ang iyong kabutihan sa kanila, at ibibigay ang kahilingan nila, maglilingkod sila sa iyo magpakailanman.”

8Ngunit hindi sinunod ni Rehoboam ang kanilang payo. Sa halip, nakipagkita siya sa mga kababata niyang naglilingkod sa kanya.

9Nagtanong siya sa kanila, “Ano ba ang maipapayo nʼyo na isasagot ko sa kahilingan ng mga taong iyon? Humihiling sila sa akin na pagaanin ko ang mabigat na mga ipinapatupad ng aking ama sa kanila.”

10Sumagot ang mga kababata ni Rehoboam, “Ito ang isagot mo sa mga taong iyon na humihiling saʼyo na pagaanin mo ang mabigat na ipinapatupad ng iyong ama sa kanila: ‘Ang kalingkingan ko ay mas malaki pa sa baywang ng aking ama.

11Mabigat nga ang pasaning ipinatupad ng aking ama sa inyo, ngunit mas mabigat pa ang ipapatupad ko. Kung pinalo niya kayo ng latigo, alakdan ang ipapalo ko sa inyo.’ ”

12Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao kay Rehoboam, ayon din sa sinabi ng hari sa kanila.

13Ngunit hindi sinunod ni Haring Rehoboam ang ipinayo ng mga matatandang tagapayo. Sa halip, pinagsalitaan niya ng masasakit ang mga tao

14ayon sa ipinayo ng mga kababata niya. Sinabi niya sa kanila, “Mabigat ang ipinapatupad ng aking ama sa inyo, ngunit mas mabigat pa ang ipapatupad ko. Kung pinalo niya kayo ng latigo, alakdan ang ipapalo ko sa inyo.”

15Hindi nga nakinig ang hari sa mga tao, niloob ito ng Panginoon upang matupad ang kanyang sinabi kay Jeroboam na anak ni Nebat sa pamamagitan ni Ahias na taga-Silo.

16Nang malaman ng lahat ng Israelita na hindi sila pinakinggan ng hari, sinabi nila sa kanya,

“Ano naman kasi ang kaugnayan natin kay David?

May kinalaman ba tayo kay Jesse?

Bahala ka na sa iyong kaharian, David!

Halina kayo mga Israelita,

umuwi na tayo!”

At umuwi nga ang mga Israelita.

17Ang mga Israelita lang na nakatira sa mga bayan ng Juda ang napamahalaan ni Rehoboam.

18Ngayon, pinapunta ni Haring Rehoboam sa mga Israelita si Adoniram, ang namamahala sa sapilitang pagtatrabaho, upang makipag-ayos sa kanila. Ngunit binato siya ng mga Israelita hanggang sa mamatay. Nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas papunta sa Jerusalem.[#12:18 Sa Hebreo, Adoram.]

19Hanggang ngayon, nagrerebelde ang mga Israelita sa mga angkan ni David.

20Nang mabalitaan ng lahat ng mga Israelita na nakauwi na si Jeroboam, ipinatawag nila siya sa isang pagtitipon at ginawa nila siyang hari sa buong Israel. Ang lahi lang ni Juda ang nanatiling tapat sa paghahari ng mga angkan ni David.

Binalaan ni Semaias si Rehoboam

(2~Cro. 11:1‑4)

21Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mahuhusay na sundalo ng mga lahi nina Juda at Benjamin. Nakapagtipon siya ng 180,000 sundalo na makikipaglaban sa mga mamamayan ng Israel upang bawiin ang kaharian niya.

22Ngunit sinabi ng Diyos kay Semaias na kanyang lingkod,

23“Sabihin mo sa anak ni Solomon na si Haring Rehoboam ng Juda, at sa lahat ng sambayanan ng Juda at Benjamin at sa iba pang taong naroon

24na ito ang sinasabi ko: ‘Huwag kayong makipaglaban sa mga kapwa ninyo Israelita. Umuwi kayo, dahil kalooban ko ang lahat ng ito.’ ” Sumunod nga sila sa Panginoon at umuwi ayon sa inutos ng Panginoon .

Nagpagawa si Jeroboam ng mga Gintong Baka

25Pinalibutan ni Jeroboam ng pader ang lungsod ng Shekem sa kabundukan ng Efraim at doon siya tumira. Kinalaunan, pumunta siya sa Penuel at ipinaayos niya ito.

26Sinabi niya sa kanyang sarili, “Baka maibalik ang kaharian sa angkan ni David

27kung magpapatuloy ang mga tao sa pagpunta sa Jerusalem para maghandog doon sa Templo ng Panginoon . Maaaring mahulog muli ang kanilang loob kay Haring Rehoboam ng Juda. At kung mangyayari iyon, papatayin nila ako at babalik sila kay Rehoboam.”

28Kaya pagkatapos na payuhan si Jeroboam tungkol dito, nagpagawa siya ng dalawang gintong baka. Sinabi niya sa mga tao, “Mga Israelita, mahirap na para sa inyo na makapunta pa sa Jerusalem. Narito ang inyong mga diyos na naglabas sa inyo sa Ehipto.”

29Ang isang gintong baka ay ipinalagay niya sa Betel at ang isa naman ay sa Dan.

30Ang ginawang ito ni Jeroboam ay naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita. Pumupunta pa sila kahit sa Dan para sumamba roon.[#12:30 : O kasalanan.]

31Nagpagawa pa si Jeroboam ng mga sambahan sa matataas na lugar at pumili siya ng mga tao na maglilingkod bilang pari, kahit hindi sila Levita.

32Nagpasimula rin siya ng pista na ipinagdiriwang tuwing ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan, tulad ng pista sa Juda. Nang araw na iyon, nag-alay siya sa Betel ng mga handog sa altar para sa mga gintong baka na ipinagawa niya. At doon siya pumili ng mga pari na itinalaga niyang maglingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar na ipinagawa niya.

33Sa araw na iyon na naghandog siya sa altar na kanyang ipinagawa sa Betel, sinimulan niya ang pista para sa mga Israelita. Siya ang pumili ng petsang ika-15 araw ng ikawalong buwan para sa ganitong pista.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.