The chat will start when you send the first message.
1Huwag mong pagsasabihan nang marahas ang matatandang lalaki, sa halip kausapin mo sila na parang iyong ama. Ituring mo ang mga kabataang lalaki na parang mga kapatid,
2at ang matatandang babae na parang iyong ina. Pakitunguhan mo nang may malinis na puso ang mga nakababatang babae na parang kapatid mo na rin.
3Bigyan mo ng kaukulang pansin at tulong ang mga biyudang talagang nangangailangan.
4Ngunit kung may mga anak o apo siya, matuto muna dapat silang gampanan ang tungkulin nila sa kanilang sambahayan at matutong tumanaw ng utang na loob sa kanilang magulang. Sapagkat nakalulugod ito sa Diyos.
5Ang biyudang talagang nangangailangan ay umaasa na lang sa Diyos. Araw-gabi siyang nananalangin at humihingi ng tulong sa Diyos.
6Ngunit ang biyudang nabubuhay sa sariling kalayawan ay patay na sa paningin ng Diyos kahit na buháy pa siya.
7Ituro mo sa mga kapatid ang mga tuntuning ito upang walang maipintas sa kanila.
8Ang sinumang hindi kumakalinga sa sariling kamag-anak, lalo na sa sariling pamilya ay tumatalikod sa pananampalataya at masahol pa sa mga hindi mananampalataya.
9Ang isasama mo lang sa listahan ng mga biyuda na tutulungan ay ang mga hindi bababa sa 60 taóng gulang at naging tapat sa asawa niya,[#5:9 : O iisa ang naging asawa.]
10kilala sa paggawa ng mabuti gaya ng maayos na pagpapalaki sa mga anak, bukás ang tahanan sa mga nakikituloy, hinuhugasan ang paa ng mga hinirang ng Diyos, tumutulong sa mga nangangailangan, at inilalaan ang sarili sa mabubuting gawa.[#5:10 Juan 13:1‑7.]
11Ngunit huwag mong isama sa listahan ang mga biyuda na bata pa; dahil kung matatalo ng kanilang pagnanasa ang katapatan nila kay Kristo, nanaisin nilang mag-asawa muli.
12At dahil ditoʼy magkakasala sila sapagkat hindi nila tinupad ang dati nilang pangako na maglilingkod na lamang sila kay Kristo.
13Maliban dito, matututo silang maging tamad at mag-aksaya ng panahon sa pangangapit-bahay. Hindi lang sila magiging tamad kundi magiging tsismosa, pakialamera, at nagsasalita ng mga bagay na hindi nila dapat sabihin.
14Kaya para sa akin, kung ganito lang ang mangyayari, mas mabuti pang muli na lang silang mag-asawa at magkaanak, at mag-asikaso sa sariling pamilya. Sa ganoon, walang masasabing masama ang mga sumasalungat sa atin.
15Sinasabi ko ito dahil may ilang biyuda na ang tumalikod sa pananampalataya at sumusunod na kay Satanas.
16Kung ang isang mananampalatayang babae ay may kamag-anak na biyuda, dapat niya itong tulungan. Sa ganoon, hindi mabibigatan ang iglesya sa pag-aaruga sa kanila, at matutulungan pa ang mga biyuda na talagang nangangailangan.
17Ang mga pinuno ng iglesya na naglilingkod nang mabuti ay dapat bigyan ng nararapat na sahod, lalo na ang mga naglilingkod sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos.
18Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik” at sinasabi pa, “Nararapat bigyan ng sahod ang manggagawa.”[#5:18 Deu. 25:4.; #5:18 Luc. 10:7.]
19Huwag mong papakinggan ang paratang sa isang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi.
20At tungkol naman sa mga nagpapatuloy sa mga kasalanan nila, pagsabihan mo sila sa harap ng lahat ng mananampalataya para maging babala sa iba.
21Sa presensya ng Diyos at ni Kristo Hesus at ng kanyang mga anghel, iniuutos ko sa iyo na sundin mo ang mga utos na ito nang walang kinikilingan o kinakampihan.
22Huwag kang padalos-dalos sa pagpapatong ng kamay mo sa kahit sino para bigyan ng kapangyarihang mamuno sa iglesya. Ingatan mong huwag masangkot sa kasalanan ng iba. Manatili kang walang bahid ng kasalanan.
23Huwag tubig lamang ang inumin mo; uminom ka rin ng konting alak para sa sikmura mong madalas sumasakit.[#5:23 : Hindi ito tumutukoy sa matapang na alak, kundi sa katas ng ubas na ginawang alak.]
24May mga taong lantad na lantad ang mga kasalanan nila bago pa man sila hatulan. Ngunit ang iba namaʼy sa bandang huli na lang nalalantad ang kasalanan.
25Ganoon din naman, may mabubuting gawa na lantad na ngayon pa lang, habang ang iba naman ay malalantad din balang araw.