Mga Gawa 16

Sumama si Timoteo kina Pablo at Silas

1Nagpatuloy sina Pablo sa paglalakbay sa Derbe at Listra. May alagad si Hesus doon sa Listra na ang pangalan ay Timoteo. Ang kanyang ina ay Hudyo at mananampalataya rin, ngunit ang kanyang ama ay Griyego.

2Ayon sa mga kapatid doon sa Listra at sa Iconio, si Timoteo ay isang mabuting tao.

3Gusto ni Pablo na isama si Timoteo, kaya tinuli niya ito para walang masabi ang mga Hudyo laban kay Timoteo, dahil ang lahat ng Hudyo na nakatira sa lugar na iyon ay nakakaalam na Griyego ang ama nito.

4Pagkatapos, pumunta sila sa mga bayan at ipinaalam nila sa mga mananampalataya ang mga patakarang napagkasunduan ng mga apostol at ng mga pinuno ng iglesya sa Jerusalem. Sinabihan nila ang mga mananampalataya na sundin ang mga patakarang ito.

5Kaya lalong tumibay ang pananampalataya ng mga iglesya, at araw-araw ay nadadagdagan pa ang bilang nila.

Ang Pangitain ni Pablo

6Pumunta sina Pablo sa mga lugar na sakop ng Frigia at Galacia, dahil hindi sila pinahintulutan ng Banal na Espiritu na mangaral ng salita ng Diyos sa lalawigan ng Asia.

7Pagdating nila sa hangganan ng Misia, gusto sana nilang pumunta sa Bitinia, ngunit hindi ipinahintulot ng Espiritu ni Hesus.

8Kaya dumaan na lang sila sa Misia at pumunta sa Troas.

9Nang gabing iyon, nagkaroon si Pablo ng isang pangitain. Nakita niya ang isang taga-Macedonia na nakatayo at nagmamakaawa sa kanya. Sinabi ng tao, “Puntahan mo kami rito sa Macedonia at tulungan.”

10Pagkatapos makita ni Pablo ang pangitaing iyon, naghanda kami agad papuntang Macedonia, dahil naramdaman naming pinapapunta kami roon ng Diyos upang mangaral ng Magandang Balita sa mga tagaroon.

Naniwala si Lydia kay Hesus

11Naglayag kami mula Troas papuntang Samotracia, at kinabukasan ay dumating kami sa Neapolis.

12Mula Neapolis, pumunta kami sa Filipos, ang pangunahing lungsod ng Macedonia. Maraming nakatira doon na taga-Roma. Tumigil kami roon ng ilang araw.

13Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, lumabas kami sa lungsod at pumunta sa tabi ng ilog sa pag-aakalang may lugar doon na pinagtitipunan ng mga Hudyo upang manalangin. Nagkataong may mga babaeng nagtitipon doon, kaya nakiupo kami at nakipag-usap sa kanila.

14Isa sa mga nakikinig sa amin ay si Lydia na taga-Tiatira. Siyaʼy isang negosyante ng mga mamahaling telang kulay lila, at sumasamba siya sa Diyos. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso upang tanggapin ang mga sinasabi ni Pablo.

15Nagpabautismo siya at ang kanyang pamilya. Pagkatapos, sinabi niya, “Kung naniniwala kayo na ako ay isa nang tunay na mananampalataya sa Panginoon, doon na kayo tumuloy sa aking bahay.” At nakumbinsi niya kami.

Sina Pablo at Silas sa Bilangguan

16Isang araw, habang papunta kami sa lugar na pinagtitipunan para manalangin, sinalubong kami ng isang dalagitang alipin. Ang dalagitang iyon ay sinasaniban ng masamang espiritu na nagbibigay sa kanya ng kakayahang manghula. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula.

17Palaging sinusundan ng babae si Pablo at kami habang sumisigaw ito ng, “Ang mga taong ito ay mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos! Ipinangangaral nila sa inyo kung paano kayo maliligtas!”

18Araw-araw, iyon ang ginagawa niya hanggang sa tuluyang nainis si Pablo. Kaya hinarap niya ang babae at sinabi sa masamang espiritung sumasanib dito, “Sa pangalan ni Hesu-Kristo, inuutusan kitang lumabas sa kanya!” At agad naman itong iniwan ng masamang espiritu.

19Nang makita ng mga amo nito na nawalan sila ng pagkakakitaan, hinuli nila sina Pablo at Silas at kinaladkad sa plasa upang iharap sa mga opisyal ng lungsod.

20Sinabi nila sa mga opisyal, “Ang mga taong ito ay mga Hudyo at nanggugulo sa ating lungsod.

21Nagtuturo sila ng mga kaugaliang labag sa batas nating mga Romano. Hindi natin puwedeng sundin ang mga itinuturo nila.”

22Nakiisa ang mga tao sa pag-uusig kina Pablo at Silas. Pinahubaran sila ng mga opisyal at ipinahagupit.

23At nang mahagupit na sila nang husto, ikinulong sila. At inutusan ang guwardiya na bantayan silang mabuti.

24Kaya ipinasok sila ng guwardiya sa kaloob-loobang selda at ikinabit ang kanilang mga paa sa mabibigat na kahoy.

25Nang maghahatinggabi na, nananalangin at umaawit ng mga papuri sa Diyos sina Pablo at Silas. Nakikinig naman sa kanila ang ibang mga bilanggo.

26Walang anu-anoʼy biglang lumindol nang malakas at nayanig kahit ang mga pundasyon ng bilangguan. Nabuksan ang lahat ng pintuan ng bilangguan at natanggal ang mga kadena ng lahat ng bilanggo.

27Nagising ang guwardiya at nakita niyang bukas ang mga pintuan. Akala niyaʼy tumakas na ang mga bilanggo, kaya hinugot niya ang kanyang espada at magpapakamatay na sana siya.

28Ngunit sumigaw si Pablo, “Huwag kang magpakamatay! Narito kaming lahat!”

29Nagpakuha ng ilaw ang guwardiya at dali-daling pumasok sa loob at nanginginig na lumuhod sa harapan nina Pablo at Silas.

30Pagkatapos, dinala niya sina Pablo sa labas at tinanong, “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?”

31Sumagot sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Hesus at maliligtas ka at ang iyong pamilya.”

32At ipinangaral nina Pablo ang salita ng Panginoon sa kanya at sa lahat ng miyembro ng kanyang pamilya.

33Kahit malalim na ang gabi, isinama sila ng guwardiya at hinugasan ang mga sugat nila. Pagkatapos nito, agad siyang nagpabautismo kasama ang kanyang buong pamilya.

34Pagkatapos, isinama niya sina Pablo sa kanyang bahay at pinakain. Puno ng kagalakan ang guwardiya at ang kanyang buong pamilya na silaʼy sumampalataya na sa Diyos.

35Kinaumagahan, inutusan ng mga opisyal ang mga pulis na palayain na sina Pablo.

36At itoʼy ibinalita ng guwardiya kay Pablo. Sinabi niya, “Iniutos ng mga opisyal na palayain na kayo. Kaya maaari na kayong lumabas at umalis nang mapayapa.”

37Ngunit sinabi ni Pablo sa mga pulis na inutusan, “Ipinahagupit nila kami sa publiko at ipinabilanggo nang walang paglilitis, kahit na mga Romano kami. At ngayon gusto nilang palayain kami nang palihim. Hindi maaari! Sila mismong mga opisyal ang dapat pumunta rito at magpalaya sa amin.”

38Kaya bumalik ang mga pulis sa mga opisyal at ipinaalam sa kanila ang sinabi ni Pablo. Nang malaman nilang mga Romano pala sina Pablo, natakot sila.

39Kaya pumunta sa bilangguan ang mga opisyal at humingi ng paumanhin kina Pablo. Pagkatapos, pinalabas sila at pinakiusapang umalis na sa lungsod na iyon.

40Nang makalabas na sina Pablo at Silas sa bilangguan, pumunta sila agad sa bahay ni Lydia. Nakipagkita sila roon sa mga kapatiran, at pinalakas nila ang pananampalataya ng mga ito. Pagkatapos, umalis na sila.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.