The chat will start when you send the first message.
1Napuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at dinala ako ng kanyang Espiritu sa gitna ng isang lambak na puno ng kalansay.
2Inilibot niya ako roon, at nakita ko ang napakaraming tuyong buto na nagkalat sa lambak.
3Tinanong ako ng Panginoon , “Anak ng tao, mabubuhay pa kaya ang mga butong ito?”
Sumagot ako, “Makapangyarihang Panginoon , kayo lang po ang nakakaalam.”
4Sinabi niya sa akin, “Sabihin mo sa mga butong ito na makinig sa sasabihin ng Panginoon .
5Sapagkat ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang magsasabi nito sa kanila, ‘Bibigyan ko kayo ng hininga, at mabubuhay kayo.
6Bibigyan ko kayo ng mga litid at laman, at babalutin ko kayo ng balat. Bibigyan ko nga kayo ng hininga, at mabubuhay kayo. At malalaman ninyong ako ang Panginoon .’ ”
7Kaya nagpropesiya ako kung paano iniutos sa akin. At habang ako ay nagsasalita, narinig ko ang tunog ng mga butong nagkakabit-kabit at nabuo.
8Nakita ko ring nagkaroon ang mga ito ng mga litid at laman at nabalot ng balat, pero walang hininga.
9Sinabi sa akin ng Panginoon , “Anak ng tao, sabihin mo sa hangin na ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay nagsasabi: Hangin umihip ka mula sa apat na dako, at hipan ang mga patay na ito upang mabuhay.”
10Kaya sinunod ko ang iniutos niya na magpropesiya ako, at nabuhay nga ang mga patay. Nagsitayo sila, kasindami sila ng isang napakalaking hukbo.
11Muling sinabi sa akin ng Panginoon , “Anak ng tao, ang mga butong iyon ay ang mga mamamayan ng Israel. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, at wala na kaming pag-asa; nilipol na kami.’
12Kaya sabihin mo sa kanila na ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay nagsasabi: Mga mamamayan ko, bubuksan ko ang mga libingan ninyo. Bubuhayin ko kayong muli, at ibabalik sa lupain ng Israel.
13Kapag binuksan ko ang mga libingan ninyo at binuhay ko kayong muli, malalaman ninyo, mga mamamayan ko, na ako ang Panginoon .
14Ibibigay ko sa inyo ang aking Espiritu at mabubuhay kayo. Patitirahin ko kayo sa sarili ninyong lupain. At malalaman nga ninyo na ako ang Panginoon na tumutupad ng aking pangako, sabi ng Panginoon .”
15Sinabi sa akin ng Panginoon :
16“Anak ng tao, kumuha ka ng patpat at sulatan mo ito ng, ‘Ang kaharian ng Juda.’ Pagkatapos, kumuha ka ng isa pa at sulatan mo ito ng, ‘Ang kaharian ng Israel (na kilala rin bilang Efraim) at sa lahat ng mga Israelitang kasama niya.’
17Pagkatapos, pag-isahin mo ang dalawang patpat upang isa lang ang hawak mo.
18Kapag tinanong ka ng mga kababayan mo kung ano ang ibig sabihin nito,
19sabihin mong, ‘Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon : Pagdudugtungin ko ang patpat na kumakatawan sa Israel na nasa kamay ni Efraim at ng mga lahing kasama niya at ang patpat na kumakatawan sa Juda. Magiging isa na lang sila sa kamay ko.’
20“Pagkatapos, hawakan mo ang patpat na sinulatan mo upang makita ng mga tao.
21At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon : Titipunin ko ang mga Israelita mula sa lahat ng bansang pinangalatan nila, at ibabalik ko sa sarili nilang lupain.
22Gagawin ko silang isang bansa sa lupain ng Israel, at isang hari na lang ang maghahari sa kanila. Hindi na sila muling mahahati o magiging dalawang bansa o kaharian.
23Hindi na nila dudungisan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa mga kasuklam-suklam na diyos-diyosan at paggawa ng anumang kasalanan, dahil ililigtas ko sila sa lahat ng pagkakasala nila. Lilinisin ko sila upang maging mga mamamayan ko sila, at ako ang magiging Diyos nila.
24Paghaharian sila ng haring mula sa angkan ng lingkod kong si David. Isa lang ang magiging pastol nila. Susundin na nilang mabuti ang mga utos koʼt mga tuntunin.
25Maninirahan sila sa lupaing ibinigay ko sa lingkod kong si Jacob, ang lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno. Sila at ang mga anak nila ay titira roon habang panahon. At maghahari sa kanila ang prinsipeng mula sa lahi ni David na magiging pinuno nila magpakailanman.
26Gagawa ako ng isang kasunduan na magiging maganda ang kalagayan nila, at ang kasunduang ito ay magpapatuloy magpakailanman. Patitirahin ko sila sa lupain nila at pararamihin ko sila. Itatayo ko ang aking Templo sa kanilang kalagitnaan magpakailanman.
27Maninirahan akong kasama nila. Magiging Diyos nila ako, at sila ay magiging mga mamamayan ko.
28At kung mananatili na ang Templo ko sa kalagitnaan nila magpakailanman, malalaman ng mga bansa na ako, ang Panginoon , ang humirang sa mga Israelita upang maging mga mamamayan ko.’ ”