The chat will start when you send the first message.
1Mga kapatid, bilang mga mananampalataya ng dakila nating Panginoong Hesu-Kristo, wala dapat kayong pinapaboran.
2Halimbawa, may dumating sa inyong pagtitipon na isang taong may gintong singsing at nakasuot ng mamahaling damit, at dumating din ang isang mahirap na punit-punit ang damit.
3Kung aasikasuhin nʼyo nang mabuti ang nakasuot ng mamahaling damit at sasabihin sa kanya, “Umupo ho kayo rito,” samantalang sasabihin ninyo sa mahirap, “Tumayo ka roon” o “Umupo ka na lang sa sahig,”
4hindi baʼt may pinapaboran kayo at humahatol ayon sa masama ninyong pag-iisip?
5Makinig kayo, mga minamahal kong kapatid: Hindi baʼt pinili ng Diyos ang mga mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya, at maging tagapagmana ng kahariang ipinangako niya sa mga nagmamahal sa kanya?
6Ngunit minamaliit nʼyo naman ang mga mahihirap. Hindi baʼt ang mga mayayaman ang nagpapahirap at nagsasakdal sa inyo sa korte?
7Hindi baʼt sila ang lumalapastangan sa marangal na pangalan ni Hesu-Kristo, ang pangalan kung saan kayo nakilala?
8Kung sinusunod ninyo ang kautusan ng Hari sa Kasulatan, na nagsasabi, “Mahalin mo ang iyong kapwa, gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili,” mabuti ang ginagawa ninyo.[#2:8 Lev. 19:18.]
9Ngunit kung may pinapaboran kayo, nagkakasala kayo at ayon sa Kautusan dapat kayong parusahan, dahil nilabag ninyo ang kautusang ito.
10Ang tumutupad sa buong Kautusan ngunit lumalabag ng isa sa mga ito ay lumabag na rin sa buong Kautusan.
11Sapagkat ang Diyos na nag-utos, “Huwag kang mangangalunya,” ay nagsabi ring, “Huwag kang papatay.” Hindi ka nga nangangalunya, ngunit pumapatay ka naman, nilalabag mo pa rin ang Kautusan.[#2:11 Exo. 20:13‑14; Deu. 5:17‑18.]
12Kaya mag-ingat kayo sa pananalita at gawa ninyo, dahil ang Kautusan na nagpalaya sa inyo ang siya ring hahatol sa inyo.
13Walang awang hahatulan ng Diyos ang hindi nagpapakita ng awa sa kanyang kapwa; ngunit ang maawain sa kapwa ay hindi kailangang matakot sa oras ng paghatol.
14Mga kapatid, ano ba ang mapapala ng isang tao kung sabihin niyang mayroon siyang pananampalataya, ngunit wala naman siyang mabubuting gawa? Maliligtas ba siya ng ganyang pananampalataya?
15Halimbawa, walang maisuot at walang makain ang isang kapatid,
16at sasabihan mo, “Pagpalain ka ng Diyos at hindi ka sana ginawin at gutumin,” ngunit hindi mo naman siya binigyan ng kailangan niya, may nagawa ba itong mabuti?
17Ganito rin naman ang pananampalataya; kung hindi ito kinakikitaan ng mabuting gawa, wala itong kabuluhan.
18Kung talagang may magsasabi, “May pananampalataya ako, at ikaw naman ay may mabuting gawa.”
Ito naman ang isasagot ko, paano ko makikita ang pananampalataya mo kung wala ka namang mabubuting gawa? Ipapakita ko sa iyo na may pananampalataya ako sa pamamagitan ng mabubuti kong gawa.
19Naniniwala kang may iisang Diyos? Mabuti iyan! Subalit kahit ang masasamáng espiritu man ay naniniwala rin, at nanginginig pa nga sa takot.
20Ikaw na walang pang-unawa, gusto mo bang patunayan ko na walang kabuluhan ang pananampalataya kung walang mabuting gawa?
21Hindi baʼt itinuring na matuwid ng Diyos ang ninuno nating si Abraham dahil sa mabuti niyang gawa nang ihandog niya sa altar ang anak niyang si Isaac?
22Makikita mo na ang pananampalataya niyaʼy may kasamang mabuting gawa. Naipakita na tunay ang pananampalataya niya sa pamamagitan ng mabuting gawa.
23Natupad ang sinasabi ng Kasulatan, “Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at dahil dito, itinuring siyang matuwid. Tinawag pa nga siyang kaibigan ng Diyos.”[#2:23 Gen. 15:6.]
24Dito ninyo makikita na itinuturing na matuwid ng Diyos ang tao dahil sa mabuti nitong gawa at hindi dahil sa pananampalataya lamang.
25Ganoon din si Rahab, ang babaeng bayaran. Itinuring siyang matuwid dahil itinago niya ang mga espiya ng mga Israelita at itinuro ang ibang daan upang makatakas sila.
26Kung paanong patay ang katawang walang espiritu, patay din ang pananampalataya kung walang kasamang mabuting gawa.