1Pagkatapos nito, nilibot ni Hesus ang Galilea. Iniwasan niyang pumunta sa Judea dahil gusto siyang patayin ng mga pinuno ng mga Hudyo roon.
2Nang malapit na ang pista ng mga Hudyo na tinatawag na Pista ng mga Tolda,
3sinabi ng mga kapatid ni Hesus sa kanya, “Bakit hindi ka umalis dito at pumunta sa Judea para makita ng mga alagad mo ang mga ginagawa mo?
4Walang taong gumagawa nang patago kung gusto niyang sumikat. Gumagawa ka na rin lang ng himala, ipakita mo na sa lahat!”
5Sinabi ito ng mga kapatid ni Hesus dahil sila man ay hindi nakakaunawa kung sino siya at kung ano ang kailangan niyang gawin.
6Kaya sinabi ni Hesus sa kanila, “Hindi pa ngayon ang panahon para sa akin, pero kayo, puwede nʼyong gawin kahit anong oras ang gusto ninyo.
7Hindi napopoot sa inyo ang mundo, ngunit napopoot ito sa akin dahil inilalantad ko ang kasamaan nila.
8Kayo na lang ang pumunta sa pista. Hindi pa ako pupunta dahil hindi pa ito ang panahon ko.”
9Ito ang sinabi ni Hesus sa kanila at nagpaiwan muna siya sa Galilea.
10Subalit nang umalis na ang mga kapatid ni Hesus, pumunta pa rin siya, pero palihim.
11Doon sa pista, hinahanap siya ng mga pinuno ng mga Hudyo. “Nasaan kaya siya?” tanong nila.
12Maraming bulung-bulungan ang mga tao tungkol kay Hesus. May nagsasabi, “Mabuti siyang tao.”
Sabi naman ng iba, “Hindi, niloloko lang niya ang mga tao.”
13Ngunit walang nagsasalita tungkol sa kanya nang hayagan dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Hudyo.
14Noong kalagitnaan na ng pista, pumunta si Hesus sa Templo at nangaral.
15Namangha sa kanya ang mga pinuno ng mga Hudyo. Sinabi nila, “Paano nalaman ng taong ito ang mga bagay na ʼyan, gayong hindi naman siya nakapag-aral?”
16Sumagot si Hesus, “Hindi galing sa akin ang mga itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin.
17Malalaman ng sinumang gustong sumunod sa kalooban ng Diyos kung ang itinuturo koʼy galing nga sa Diyos o sa akin lang.
18Ang nagtuturo nang mula sa sarili niyang karunungan ay naghahangad lang ng pansariling karangalan. Ngunit ang naghahangad na parangalan ang nagsugo sa kanya ay tapat at hindi sinungaling.
19Hindi baʼt ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Ngunit wala ni isa man sa inyo ang sumusunod sa Kautusan. Sapagkat kung sinusunod ninyo ang Kautusan, bakit nʼyo ako gustong patayin?”
20Sumagot ang mga tao, “Sinasapian ka na siguro ng demonyo! Sino ba ang gustong pumatay sa iyo?”
21Sinabi ni Hesus sa kanila, “Namangha kayo dahil may pinagaling ako noong Araw ng Pamamahinga.
22Ngunit kayo rin naman, hindi kayo nagdadalawang-isip na tuparin ang utos ni Moises na kailangang tuliin ninyo ang inyong mga sanggol na lalaki sa ikawalong araw mula nang silaʼy isilang (bagamaʼt ang ritwal na itoʼy hindi galing kay Moises kundi sa mga nauna pang ninuno). At hindi kayo nagdadalawang-isip na tuparin iyon kahit sa Araw ng Pamamahinga.
23Kung kayo nga, nagtutuli kayo ng sanggol sa Araw ng Pamamahinga upang hindi masuway ang kautusan ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil pinagaling ko ang buong katawan ng isang tao sa Araw ng Pamamahinga?
24Huwag kayong humusga nang paimbabaw, isakatuparan ninyo ang kautusan nang tama.”
25Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong gustong patayin ng mga pinuno natin?
26Ngunit tingnan ninyo, lantaran siyang nangangaral at walang sinasabi ang mga pinuno laban sa kanya. Baka naniniwala na silang siya ang Mesias?
27Ngunit alam natin kung saan siya nanggaling, habang ang Mesias na darating ay walang nakakaalam kung saan siya manggagaling.”
28Habang nagtuturo si Hesus sa Templo, sinabi niya nang malakas, “Totoo bang kilala ninyo ako at alam ninyo kung saan ako nanggaling? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan. Ang tunay na Diyos ang nagsugo sa akin. Hindi ninyo siya kilala[#7:28 : Sa literal, ang nagsugo sa akin ay tunay.]
29ngunit kilala ko siya dahil nanggaling ako sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.”
30Dahil sa mga sinabi niyang ito, gusto na sana siyang dakpin ng mga pinuno ng mga Hudyo, ngunit walang humuli sa kanya dahil hindi pa dumating ang oras niya.
31Sa kabila nito, marami pa rin ang sumampalataya sa kanya. Sinabi nila, “Siya na nga ang Mesias! Sa palagay nʼyo baʼy mayroon pang ibang darating na makagagawa nang higit pa kaysa sa mga himalang ginagawa ng taong ito?”
32Narinig ng mga Pariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol kay Hesus. Kaya inutusan nila at ng mga namamahalang pari ang mga guwardiya ng Templo na dakpin si Hesus.
33Sinabi ni Hesus, “Sandali nʼyo na lang akong makakasama. Malapit na akong bumalik sa nagsugo sa akin.
34Hahanapin nʼyo ako, ngunit hindi nʼyo ako makikita, dahil hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.”
35Nagtanungan ang mga Hudyo, “Saan kaya niya balak pumunta at hindi na raw natin siya makikita? Pupunta kaya siya sa mga lugar ng mga Griyego kung saan nakakalat ang mga kapwa nating Hudyo? Mangangaral din kaya siya sa mga Griyego?[#7:35 : O ang mga kaaway ni Hesus.; #7:35 O kayaʼy Hentil o hindi Hudyo . Gayundin sa ibang mga talata kung saan ginamit ang salitang ito.]
36Ano kaya ang nais niyang iparating sa sinabi niyang, ‘Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita,’ at ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko’?”
37Nang dumating ang huli at pinakamahalagang araw ng pista, tumayo si Hesus at sinabi nang malakas, “Ang sinumang nauuhaw ay lumapit sa akin at uminom.
38Sapagkat sinasabi ng Kasulatan na dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay mula sa puso ng sinumang sumasampalataya sa akin.”
39Ang tubig na nagbibigay-buhay na tinutukoy ni Hesus ay ang Espiritu na malapit nang tanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Hindi pa naipagkakaloob ang Espiritu nang panahong iyon dahil hindi pa bumabalik si Hesus sa kanyang kaluwalhatian.
40Maraming tao ang nakarinig sa sinabing iyon ni Hesus, at sinabi ng ilan sa kanila, “Siya na nga ang Propeta na hinihintay natin!”
41Sinabi naman ng iba, “Siya na nga ang Mesias!”
Ngunit may mga nagtanong, “Hindi siya ang Mesias, dahil hindi maaaring manggaling ang Mesias sa Galilea.
42Hindi baʼt sinasabi ng Kasulatan na ang Mesias ay manggagaling sa lahi ni David, at ipapanganak sa Bethlehem na bayan ni David?”
43Kaya iba-iba ang paniniwala ng mga tao tungkol kay Hesus.
44Gusto ng iba na dakpin siya, ngunit wala ring humuli sa kanya.
45Bumalik ang mga guwardiya ng Templo sa mga namamahalang pari at mga Pariseo na nag-utos sa kanila na dakpin si Hesus. Tinanong sila ng mga ito, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?”
46Sumagot sila, “Ngayon lang po kami nakarinig ng katulad niyang magsalita.”
47“Pati ba naman kayo ay naloko na rin ng lalaking iyon?” kutya ng mga Pariseo
48“May nakita na ba kayong kahit isa sa amin na mga pinuno o mga Pariseong sumasampalataya sa kanya?
49Wala! Mga tao lang na walang alam sa Kautusan ang sumasampalataya sa kanya. Sumpain sila ng Diyos!”
50Isa sa mga Pariseong naroon ay si Nicodemo, na minsang dumalaw kay Hesus. Sinabi niya sa mga kasamahan niya,
51“Hindi baʼt labag sa Kautusan natin na hatulan ang isang tao hanggaʼt hindi siya nalilitis upang alamin kung ano ang ginawa niya?”
52Sumagot sila kay Nicodemo, “Taga-Galilea ka rin ba? Magsaliksik ka sa Kasulatan at makikita mong walang propetang nanggagaling sa Galilea.”
[
53Pagkatapos nito, nag-uwian na silang lahat.