1“Kinasusuklaman ko ang buhay ko,
kaya dadaing ako hanggaʼt gusto ko.
Sasabihin ko ang aking sama ng loob.
2Ito ang sasabihin ko sa Diyos:
Huwag nʼyo akong hatulan
na masama ako.
Sabihin nʼyo sa akin kung ano
ang aking kasalanan sa inyo.
3Natutuwa ba kayong
pinahihirapan nʼyo ako?
Bakit nʼyo itinatakwil ang inyong nilikha,
at sinasang-ayunan naman
ang binabalak ng masama?
4Ang paningin ba ninyoʼy
tulad ng paningin ng tao?
Nakikita ba ninyo ang mga bagay
kung paano ito nakikita ng tao?
5Ang buhay nʼyo baʼy
kasing-ikli ng buhay ng tao,
6at pilit nʼyo akong hinahanapan
ng kamalian at kasalanan?
7Alam ninyong wala akong kasalanan,
ngunit sinoʼng makapagtatanggol sa akin
mula sa inyong kamay?
8“Kayo ang gumawa at humubog sa akin,
at ngayon kayo rin ang sisira sa akin.
9Alalahanin ninyong akoʼy hinubog ninyo mula sa lupa[#10:9 : O hinubog mo mula sa putik.]
at ngayon baʼy ibabalik nʼyo na ako sa lupa?
10Hindi baʼt kayo ang humubog sa akin
mula sa sinapupunan ng aking ina
na parang kesong hinubog
mula sa gatas?
11Binuo nʼyo ang aking mga buto at litid,
at saka binalutan ng laman at balat.
12Pagkatapos, binigyan nʼyo ako ng buhay,
pinakitaan ng kabutihan at iningatan.
13“Ngunit nalaman ko
na ang tunay ninyong plano sa akin
14ay ang bantayan ako
kung magkakasala ako
at kapag nangyari iyon,
hindi nʼyo ako patatawarin.
15Kung nagkasala ako,
kahabag-habag ako!
At kung hindi,
hindi ko rin maiangat ang ulo ko,
sapagkat labis ang aking kahihiyan
at nalulunod ako sa aking paghihirap.
16Pinagsisikapan kong bumangon,
ngunit para kayong leon
na nakaabang sa akin.
Ginagamit nʼyo ang inyong kapangyarihan
laban sa akin.
17Patuloy nʼyo akong isinasakdal
at lalo kayong nagagalit sa akin.
Walang tigil nʼyo akong nilulusob.
18“Bakit niloob nʼyo pa na isilang ako?
Sanaʼy namatay na lang ako
at wala nang nakakita sa akin.
19Hindi na lang sana ako nilikha.
Namatay na lang sana ako
bago isinilang
at itinuloy sa libingan.
20Maikling panahon na lang
ang natitira sa akin,
kaya hayaan nʼyo na lang ako
upang kahit saglit man lang
ay sumaya naman ako,
21bago ako pumunta sa lugar
na malungkot at madilim,
at hindi na ako makakabalik pa rito.
22Napakadilim sa lugar na iyon;
palaging gabi at walang liwanag,
at naghahari doon ang kaguluhan.”