1Nagpatuloy sa pagsasalita si Job,
2“Kung maibabalik ko lang sana
ang mga nagdaang araw
noong kinakalinga pa ako ng Diyos,
3noong tinatanglawan pa niya
ang aking daan
habang lumalakad ako sa kadiliman.
4Noong akoʼy nasa mabuti pang kalagayan,
ang Diyos ay matalik kong kaibigan,
at pinagpapala niya ang aking sambahayan.
5Pinapatnubayan pa ako noon
ng Makapangyarihan,
at magkakasama pa kami ng aking mga anak.
6Ang mga baka ko nooʼy
nagbibigay sa akin ng maraming gatas
at mula sa mga tanim kong olibo
ay umaani ako ng napakaraming langis.
7“Kapag pumupunta ako sa pintuang-bayan
at sumasama sa mga pinuno ng lungsod
sa tuwing may pagpupulong sila,
8tumatabi ang mga kabataang lalaki
kapag akoʼy nakita nila,
at ang matatandaʼy tumitindig.
9Ang mga pinunoʼy hindi nakaimik
at tinakpan nila ang kanilang mga bibig.
10Ang mga boses ng maharlika
ay natatahimik
at parang ang kanilang mga dila
ay sa ngala-ngala nadidikit.
11Pinupuri ako ng mga taong nanonood
o nakikinig sa aking pagsasalita.
12Sapagkat tinutulungan ko
ang mga dukhang humihingi ng tulong
at mga ulilang walang malapitan.
13Dahil silaʼy aking tinulungan,
ako ay binasbasan ng mga nawawalan ng pag-asa,
at ang puso ng mga biyuda
ay umawit sa kagalakan.
14Palagi kong ginagawa ang tama at matuwid;
upang itong damit at turban na aking isinusuot.
15Naging parang mata ako
sa taong bulag at paa sa pilay.
16Naging parang ama ako sa mga dukha,
at kahit ang mga dayuhan
ay tinulungan ko sa kanilang mga suliranin.
17Winasak ko ang kapangyarihan
ng masasamang tao
at iniligtas ko ang mga biktima nila.
18“Ang akala koʼy hahaba pa ang buhay ko,
at mamamatay na kasama ang aking sambahayan.
19Sapagkat ang katulad koʼy
isang punongkahoy na ang ugat
ay umaabot sa tubig,
at magdamag na nahahamugan
ang aking mga sanga.
20Ang dangal koʼy hindi mawawala.
Ang lakas koʼy hindi nababawasan.
21“Kapag nagpapayo ako,
tumatahimik ang mga tao
at nakikinig nang mabuti.
22Pagkatapos kong magsalita,
hindi na sila kumikibo
dahil nasisiyahan na sila
sa mga sinabi ko.
23Pinanabikan nila ang mga sasabihin ko
tulad ng pananabik nila
sa pagdating ng ulan.
Gusto talaga nila akong mapakinggan.
24Halos hindi sila makapaniwala
kapag ngumiti ako,
dahil ang masayang mukha koʼy
nagpapalakas sa kanila.
25Tulad ng isang pinuno,
tinuturuan ko sila
kung ano ang dapat gawin.
Pinamumunuan ko sila
tulad ng haring namumuno
sa kanyang mga kawal.
At inaaliw ko sila
kapag silaʼy nalulungkot.”