1Sa mga huling araw,
ang bundok na kinatatayuan
ng templo ng Panginoon
ay magiging pinakamahalaga
sa lahat ng bundok.
Dadagsa rito ang mga tao
mula sa ibaʼt ibang bansa.
2Sasabihin nila,
“Tayo na sa bundok ng Panginoon ,
sa Templo ng Diyos ni Jacob.
Tuturuan niya tayo roon
ng kanyang mga pamamaraan
upang sundin natin.”
Kaya magsisiuwi ang mga tao mula sa Zion,
ang lungsod ng Jerusalem,
na dala ang Kautusan ng Panginoon .
3Pagkakasunduin niya
ang maraming bansa,
pati na ang mga makapangyarihang
bansa sa malayo.
Kaya hindi na magdidigmaan
ang mga bansa,
at hindi na rin sila magsasanay
ng mga sundalo para sa digmaan.
Gagawin nilang araro
ang kanilang mga espada,
at karit na pantabas
ang kanilang mga sibat.
4Ang bawat tao ay uupo sa ilalim
ng kanilang tanim na ubas
at puno ng igos
nang walang kinatatakutan.
Mangyayari ito,
dahil sinabi ito
ng Panginoon ng mga Hukbo.
5Kahit na sumunod ang mga tao
sa mga diyos-diyosan nila,
kami ay patuloy pa ring
susunod sa Panginoon
na aming Diyos magpakailanman.
6Sinabi ng Panginoon ,
“Sa darating na mga araw,
titipunin ko ang aking mga mamamayan
na aking pinarusahan,
na parang mga tupang pilay
at nakakalat.
7Ang mga natira sa kanila
ay gagawin kong makapangyarihang bansa.
At mula sa araw na iyon
ay maghahari ang Panginoon sa kanila
sa Bundok ng Zion magpakailanman.
8Ikaw naman, Zion, tulad ka ng tore
na nagbabantay sa mga kawan,
ibibigay muli sa iyo
ang dati mong kapangyarihan,
ibabalik sa iyo, Jerusalem,
ang iyong kaharian.”
9Mga mamamayan ng Zion,
bakit kayo dumaraing
na parang babaeng manganganak na?
Nandiyan pa naman ang inyong mga hari,
at buháy pa ang kanyang mga tagapayo.
10Sige, mamilipit kayo sa sakit
na parang babaeng manganganak na,
dahil hindi magtatagal
ay lilisanin nʼyo ang inyong lungsod
at maninirahan kayo sa kaparangan,
at pagkatapos
ay dadalhin kayo sa Babilonia.
Ngunit ililigtas kayo doon ng Panginoon
mula sa inyong mga kalaban.
11Maraming bansa ang nagkaisa
upang makipaglaban sa inyo.
Sinasabi nila,
“Hiyain natin ang Zion!
At pagkatapos, panoorin natin
ang nakakahiyang kalagayan nito.”
12Ngunit hindi alam ng mga bansang ito
ang iniisip ng Panginoon .
Hindi nila nauunawaan ang aking plano
na tinipon ko sila upang parusahan,
tulad ng mga butil na tinipon
para dalhin sa giikan.
13“Mga mamamayan ng Zion,
humanda kayo
at lipulin ninyo nang lubusan
ang inyong mga kaaway
na parang gumigiik kayo ng trigo.
Sapagkat gagawin ko kayong parang
mga torong baka
na may bakal na mga sungay
at tansong mga kuko.
Dudurugin ninyo ang maraming bansa
na nagkaisa upang labanan kayo.
At ang mga kayamanang sinamsam nila
sa pamamagitan ng pagmamalupit
ay ihandog ninyo sa akin,
ang Panginoon ng buong mundo.”