Salmo 40

Salmo 40

1Akoʼy matiyagang naghintay sa Panginoon ,

at dininig niya ang aking mga daing.

2Para akong nasa malalim

at lubhang maputik na balon.

Ako ay kanyang iniahon

at itinatayo sa malaking bato,

upang hindi mapahamak.

3Tinuruan niya ako ng bagong awit,

ang awit ng pagpupuri sa ating Diyos.

Marami ang makakasaksi

at matatakot sa Panginoon ,

at silaʼy magtitiwala sa kanya.

4Mapalad ang taong sa Panginoon nagtitiwala,

at hindi lumalapit sa mga mapagmataas,

o sumasamba sa mga diyos-diyosan.

5Panginoon kong Diyos,

wala kayong katulad.

Napakarami ng kahanga-hangang bagay

na inyong ginawa para sa amin,

at ang inyong mga plano para sa amin

ay marami rin.

Sa dami ng mga itoʼy hindi ko na kayang banggitin.

6Hindi kayo nalulugod

sa ibaʼt ibang klaseng handog.

Hindi kayo humihingi ng handog

na sinusunog

at handog para sa kasalanan.

Itoʼy inyong ipinaunawa sa aking isipan.

7Kaya sinabi ko,

“Narito ako. Sa inyong Kasulatan

ay nakasulat ang tungkol sa akin.

8O Diyos, nais kong sundin ang inyong kalooban.

Ang inyong mga kautusan

y iniingatan ko sa aking puso.”

9Sa malaking pagtitipon ng inyong mga mamamayan,

inihayag ko ang inyong pagliligtas.

At alam nʼyo, Panginoon ,

na hindi ako titigil sa paghahayag nito.

10Hindi ko sinasarili ang pagliligtas nʼyo sa akin.

Ibinabalita ko na kayo ay nagliligtas

at maaasahan.

Hindi ako tumatahimik kapag nagtitipon

ang inyong mga mamamayan.

Sinasabi ko sa kanila ang inyong pag-ibig

at katotohanan.

11Panginoon , huwag nʼyong pigilin

ang awa nʼyo sa akin.

Ang inyong pag-ibig at katapatan

ang laging mag-iingat sa akin.

12Hindi ko na kayang bilangin

ang napakarami kong suliranin.

Para na akong natabunan

ng marami kong kasalanan,

kaya hindi na ako makakita.

Ang bilang ng aking mga kasalanan

ay mas marami pa kaysa sa aking buhok.

Dahil dito, halos mawalan na ako ng pag-asa.

13Panginoon , pakiusap!

Iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.

14Mapahiya sana at malito

ang lahat ng nagnanais na mamatay ako.

Magsitakas sana sa kahihiyan

ang lahat ng mga nagnanais

na akoʼy mapahamak.

15Pahiyain nʼyo nang lubos

ang mga nagsasabi sa akin,

“Aha! Napasaamin ka rin!”

16Ngunit ang mga lumalapit sa inyo

ay magalak sana at magsaya.

Ang mga naghahangad ng inyong pagliligtas

ay lagi sanang magsabi,

“Dakila ka, o Panginoon !”

17Ako naman na dukha at nangangailangan,

alalahanin nʼyo ako, Panginoon.

Kayo ang tumutulong sa akin.

Kayo ang aking Tagapagligtas.

Aking Diyos, agad nʼyo akong tulungan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.