Salmo 44

Salmo 44

1O Diyos, narinig namin mula sa aming mga ninuno

ang tungkol sa mga ginawa nʼyo

sa kanila noong kanilang kapanahunan.

Matagal nang panahon ang lumipas.

2Ang mga bansang hindi naniniwala sa inyo

ay pinalayas nʼyo sa kanilang mga lupain at pinarusahan.

Samantalang ang aming mga ninuno

ay itinanim nʼyo roon at pinalago.

3Nasakop nila ang lupain,

hindi dahil sa kanilang mga armas.

Nagtagumpay sila hindi dahil sa kanilang lakas,

kundi sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,

pagpapala at kakayahan,

dahil mahal nʼyo sila.

4O Diyos, kayo ang aking Hari

na nagbigay ng tagumpay

sa amin na lahi ni Jacob.

5Sa pamamagitan ninyoʼy pinatumbaʼt

tinapak-tapakan namin ang aming mga kaaway.

6Hindi ako nagtitiwala sa aking espada at pana

upang akoʼy magtagumpay,

7dahil kayo ang nagbibigay ng tagumpay sa amin.

Hinihiya nʼyo ang mga kumakalaban sa amin.

8O Diyos, kayo ang lagi naming ipinagmamalaki,

at pupurihin namin kayo magpakailanman.

9Ngunit ngayoʼy itinakwil nʼyo na kami

at inilagay sa kahihiyan.

Ang mga sundalo namin

ay hindi nʼyo na sinasamahan.

10Pinaatras nʼyo kami

sa aming mga kaaway,

at ang aming mga ari-arian

ay kanilang sinamsam.

11Pinabayaan nʼyong kami

ay lapain na parang mga tupa.

Pinangalat nʼyo kami sa mga bansa.

12Kami na inyong mga mamamayan

ay ipinagbili nʼyo sa kaunting halaga.

Parang wala kaming kuwenta sa inyo.

13Ginawa nʼyo kaming kahiya-hiya;

iniinsulto at pinagtatawanan kami

ng aming mga kalapit na bansa.

14Ginawa nʼyo kaming katawa-tawa sa mga bansa,

at pailing-iling pa sila habang nang-iinsulto.

15Akoʼy palaging inilalagay sa kahihiyan.

Wala na akong mukhang maihaharap pa,

16dahil sa pangungutya at pang-iinsulto

ng aking mga kaaway na gumaganti sa akin.

17Ang lahat ng ito ay nangyari sa amin

kahit na kami ay hindi nakalimot sa inyo,

o lumabag man sa inyong kasunduan.

18Hindi kami tumalikod sa inyo,

at hindi kami lumihis sa inyong pamamaraan.

19Ngunit kami ay inilugmok nʼyo

at pinabayaan sa dakong madilim

na tinitirhan ng mga asong-gubat.

20O Diyos, kung kayo ay nakalimutan namin,

at sa ibang diyos kami ay nanalangin,

21hindi baʼt iyon ay malalaman nʼyo rin?

Dahil alam nʼyo kahit ang mga lihim

sa isip ng tao.

22Ngunit dahil sa aming pananampalataya sa inyo,

palaging nasa panganib ang aming buhay.

Para kaming mga tupang kakatayin.

23Sige na po, Panginoon! Kumilos na kayo!

Huwag nʼyo kaming itakwil magpakailanman.

24Bakit nʼyo kami binabalewala?

Bakit hindi nʼyo pinapansin ang aming pagdurusa

at ang pang-aapi sa amin?

25Nagsibagsak na kami sa lupa

at hindi na makabangon.

26Sige na po, tulungan nʼyo na kami.

Iligtas nʼyo na kami

dahil sa inyong pagmamahal sa amin.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.