Salmo 66

Salmo 66

1Kayong mga tao sa buong mundo,

isigaw ninyo ang inyong papuri sa Diyos

nang may kagalakan.

2Umawit kayo ng mga papuri para sa kanya.

Parangalan ninyo siya sa pamamagitan

ng inyong mga awit.

3Sabihin ninyo sa kanya,

“O Diyos, kahanga-hanga ang inyong mga gawa!

Dahil sa inyong dakilang kapangyarihan,

luluhod ang inyong mga kaaway sa takot.

4Ang lahat ng tao sa buong mundo

ay sasamba sa inyo

na may awit ng papuri.”

5Halikayoʼt tingnan ang kahanga-hanga

na ginawa ng Diyos para sa mga tao.

6Pinatuyo niya ang dagat;

tinawid ito ng ating mga ninuno

nang naglalakad.

Tayoʼy mangagalak sa kanyang mga ginawa.

7Makapangyarihang maghahari ang Diyos, magpakailanman.

Mga bansaʼy kanyang pinagmamasdan,

kaya ang mga sumusuway sa kanya

ay hindi dapat magmalaki.

8Kayong mga tao, purihin ninyo ang Diyos!

Iparinig ninyo sa lahat ang inyong papuri.

9Iningatan niya ang ating buhay

at hindi niya hinayaang tayoʼy madapa.

10Sapagkat sinubok ninyo kami, O Diyos, upang dalisayin;

tulad namiʼy pilak na dinalisay sa apoy.

11Hinayaan nʼyo kaming mahuli sa bitag

at pinagpasan nʼyo kami

ng mabigat na dalahin.

12Pinabayaan nʼyo ang aming mga kaaway

na tapakan kami sa ulo;

parang dumaan kami sa apoy

at lumusong sa baha.

Ngunit dinala nʼyo kami sa lugar ng kasaganaan.

13Mag-aalay ako sa inyong Templo ng mga handog na sinusunog[#66:13 : Tingnan ang kahulugan nito sa Lev. 1:3.]

upang tuparin ko ang aking mga ipinangako sa inyo,

14mga pangakong sinabi ko noong akoʼy nasa gitna ng kaguluhan.

15Mag-aalay ako sa inyo ng matatabang hayop bilang handog na sinusunog,

katulad ng mga tupa, toro at mga kambing.

16Halikayoʼt makinig, kayong lahat

na may takot sa Diyos.

Sasabihin ko sa inyo

ang mga ginawa niya sa akin.

17Humingi ako sa kanya

ng tulong habang nagpupuri.

18Kung hindi ko ipinahayag sa Panginoon

ang aking mga kasalanan,

hindi niya sana ako pakikinggan.

19Ngunit tunay ngang pinakinggan

ako ng Diyos

at ang dalangin koʼy kanyang sinagot.

20Purihin ang Diyos,

na hindi tumanggi sa aking panalangin,

at hindi nagkait ng kanyang tapat na pag-ibig sa akin.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.