The chat will start when you send the first message.
1Mga hari, pakinggan ninyo ito at unawain;
mga namamahala sa buong daigdig, pag-aralan ninyo ito.
2Makinig kayo, mga pinuno ng maraming bansa;
kayo na ang ipinagmamalaki ay ang lawak ng inyong mga nasasakupan.
3Ang pamamahala ninyo'y kaloob ng Panginoon,[#Ro. 13:1.]
at ang kapangyariha'y mula sa Kataas-taasang Diyos.
Siya ang susuri ng inyong mga gawa at sisiyasat ng inyong mga panukala.
4Kung hindi kayo magiging tapat sa inyong pamamahala ng kanyang kaharian,
kung hindi ninyo susundin ang Kautusan,
at kung hindi kayo mamumuhay ayon sa kanyang kalooban,
5darating agad siya at kayo'y paparusahan ng mabigat.
Walang katulad ang bigat ng parusang inilalaan niya sa mga namumuno at makapangyarihan.
6Ang mga abâ ay kahahabagan at patatawarin,
ngunit ang mga nasa kapangyarihan ay mahigpit na hahatulan.
7Ang Panginoon ng lahat ay hindi natatakot kaninuman, gaano man ito kadakila.
Siya ang may likha sa lahat, sa dakila at sa abâ,
kaya't pare-pareho lang ang tingin niya sa lahat.
8Ngunit mas mahigpit ang paghatol niya sa mga nasa kapangyarihan.
9Kaya, mga hari, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito
upang matuto kayo at nang hindi kayo magkasala.
10Ito ay mga banal na bagay at kung gagamitin ninyo sa paraang banal, kayo rin ay magiging banal.
Kapag natutunan ninyo ang mga aral na ito, maipagtatanggol ninyo ang inyong sarili sa Araw ng Paghatol.
11Kaya nga, pahalagahan ninyo ang aking mga aral;
unawain ninyo ito at kayo'y matututo.
12Ang Karunungan ay maningning at di kumukupas,
madaling natatagpuan ng naghahanap sa kanya,
at nakikita agad ng mga nagpapahalaga sa kanya.
13Madali siyang nagpapakilala sa mga naghahangad sa kanya.
14Ang maagang bumabangon upang siya'y hanapin, hindi mahihirapan na siya'y masumpungan;
makikita niyang ang Karunungan ay nag-aabang sa may pintuan.
15Isipin mo lamang siya'y magkakaroon ka ng ganap na pagkaunawa;
hanapin mo siya't matatahimik ang iyong kalooban.
16Sapagkat hinahanap niya ang mga karapat-dapat sa kanya,
at malugod na nagpapakita siya sa kanila saan mang dako.
Siya'y maamo, at sasamahan ka niya sa bawat iniisip mo.
17Ang unang hakbang para magtamo ng Karunungan ay ang matapat na pagnanais na matuto,
sapagkat para na ring pagmamahal sa Karunungan ang paghahangad na matuto.
18Sumusunod sa kanyang mga tuntunin ang nagmamahal sa Karunungan,
at magkakaroon ng buhay na walang hanggan ang sumusunod sa kanyang mga tuntunin.
19At ang buhay na walang katapusan naman ay naglalapit sa Diyos.
20Ang naghahangad ng Karunungan ay naghahanda upang maging pinuno ng kaharian.
21Kaya, mga hari, kung talagang mahal ninyo ang inyong trono at setro,
pahalagahan ninyo ang Karunungan at maghahari kayo magpakailanman.
22Sasabihin ko sa inyo kung ano ang Karunungan at kung paano nagkaroon nito;
wala akong ililihim sa inyo;
iisa-isahin ko ang kanyang dinaanan mula sa panahon ng paglikha,
upang maging malinaw ito sa inyo;
hindi ako lilihis sa katotohanan.
23Hindi ko ililihim ang anuman dahil sa takot na mapantayan,
sapagkat hindi maaaring pagsamahin ang Karunungan at ang damdaming ganyan.
24Kung maraming marunong sa daigdig, mahahango sa dusa ang maraming tao.
Magdudulot ng kapanatagan sa kanyang nasasakupan, ang isang marunong na hari.
25Kaya, sikapin ninyong matutunan ang aking mga aral at papakinabangan ninyo ito.