Mga Awit 118

Awit ng Pagtatagumpay

1Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan![#1 Cro. 16:34; 2 Cro. 5:13; 7:3; Ez. 3:11; Awit 100:5; 106:1; 107:1; 136:1; Jer. 33:11.]

Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.

2Ang taga-Israel,

bayaang sabihi't kanilang ihayag,

“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

3Kayong mga pari

ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay:

“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

4Lahat ng may takot

kay Yahweh, dapat magpahayag,

“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

5Nang ako'y magipit,

ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag;

sinagot niya ako't kanyang iniligtas.

6Kung itong si Yahweh[#Heb. 13:6.]

ang aking kasama at laging kapiling,

walang pagkatakot sa aking darating.

7Si Yahweh ang siyang

sa aki'y tumutulong laban sa kaaway,

malulupig sila't aking mamamasdan.

8Higit na mabuti

na doon kay Yahweh magtiwala ako,

kaysa panaligan yaong mga tao.

9Higit ngang mabuting

ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay,

kaysa pamunuan ang ating asahan.

10Sa aking paligid

laging gumagala ang mga kaaway,

winasak ko sila

at lakas ni Yahweh ang naging patnubay.

11Kahit saang dako

ako naroroon ay nakapaligid,

winasak ko sila

sapagkat si Yahweh ay nasa aking panig.

12Ang katulad nila

ay mga bubuyog na sumasalakay,

dagliang nasunog, sa apoy nadarang;

winasak ko sila

sapagkat si Yahweh ang aking sanggalang.

13Sinalakay ako't

halos magtagumpay ang mga kaaway,

subalit si Yahweh, ako'y tinutulungan.

14Si Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;[#Exo. 15:2; Isa. 12:2.]

siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.

15Dinggin ang masayang

sigawan sa tolda ng mga hinirang:

“Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!

16Ang lakas ni Yahweh

ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,

sa pakikibaka sa ating kaaway.”

17Aking sinasabing

hindi mamamatay, ako'y mabubuhay

ang gawa ni Yahweh,

taos sa aking puso na isasalaysay.

18Pinagdusa ako

at pinarusahan nang labis at labis,

ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.

19Ang mga pintuan

ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,

ako ay papasok,

at itong si Yahweh ay papupurihan.

20Pasukan ni Yahweh

ang pintuang ito;

tanging makakapasok

ay matuwid na tao!

21Aking pinupuri

ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,

dininig mo ako't pinapagtagumpay.

22Ang batong itinakwil[#Lu. 20:17; Gw. 4:11; 1 Ped. 2:7.; #Mt. 21:42; Mc. 12:10-11.]

ng mga tagapagtayo ng bahay,

ang siyang naging batong-panulukan.

23Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.

24O kahanga-hanga

ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,

tayo ay magalak, ating ipagdiwang!

25Kami ay iligtas,[#Mt. 21:9; Mc. 11:9; Jn. 12:13.]

tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas!

At pagtagumpayin sa layuni't hangad.

26Pinagpala ang dumarating sa pangalan ni Yahweh;[#Mt. 21:9; 23:39; Mc. 11:9; Lu. 13:35; 19:38; Jn. 12:13.]

magmula sa templo,

mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!

27Si Yahweh ang Diyos,

pagkabuti niya sa mga hinirang.

Tayo ay magdala

ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang,

at tayo'y lumapit sa dambanang banal.

28Ikaw ay aking Diyos,

kaya naman ako'y nagpapasalamat;

ang pagkadakila mo ay ihahayag.

29O pasalamatan

ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;

pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.

Ang Kautusan ni Yahweh

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society