OSEAS 7

Ang Ephraim at ang Juda ay napapanganib sa paghihimagsik ng Israel.

1Nang aking pagagalingin ang Israel, ang kasamaan nga ng Ephraim ay lumitaw, at ang kasamaan ng Samaria; sapagka't sila'y nagsinungaling; at ang magnanakaw ay pumapasok, at ang pulutong ng mga tulisan ay nananamsam sa labas.

2At hindi nila ginugunita sa kanilang mga puso na aking inaalaala ang lahat nilang kasamaan: ngayo'y kinukulong sila sa palibot ng kanilang sariling mga gawa; sila'y nangasa harap ko.[#Awit 90:8.]

3Kanilang pinasasaya ng kanilang kasamaan ang hari, at ng kanilang pagsisinungaling ang mga prinsipe.

4Silang lahat ay mga mangangalunya; sila'y parang hurnong iniinit ng magtitinapay; siya'y tumitigil na magsulong ng apoy , mula sa paggawa ng masa hanggang sa umaasim.

5Nang kaarawan ng ating hari ang mga prinsipe ay nagpakasakit sa pamamagitan ng tapang ng alak; kaniyang iniuunat ang kaniyang kamay sa mga mangduduwahagi.

6Sapagka't kanilang inihanda ang kanilang puso na parang hurno, samantalang sila'y nangagaabang: ang kanilang magtitinapay ay natutulog magdamag; sa kinaumagaha'y nagniningas na parang liyab na apoy.

7Silang lahat ay nangagiinit na parang hurno, at nilalamon ang kanilang mga hukom; lahat nilang hari ay nangabuwal: wala sa kanila na tumawag sa akin.[#2 Hari 15:10, 14, 25, 30.]

8Ang Ephraim, nakikisalamuha sa mga bayan; ang Ephraim ay isang tinapay na hindi binalik.[#Awit 106:35.]

9Nilamon ng mga taga ibang lupa ang kaniyang yaman, at hindi niya nalalaman: oo, mga uban ay nasasabog sa kaniya, at hindi niya nalalaman.[#Os. 8:7.]

10At ang kapalaluan ng Israel ay nagpapatotoo sa kaniyang mukha: gayon ma'y hindi sila nanumbalik sa Panginoon nilang Dios, ni hinanap man siya nila, dahil sa lahat na ito.[#Os. 5:5.; #Is. 9:13.]

11At ang Ephraim ay parang isang mangmang na kalapati, na walang unawa sila'y nagsitawag sa Egipto, sila'y nagsiparoon sa Asiria.[#Os. 11:11.; #2 Hari 17:4; Os. 12:1.]

12Pagka sila'y magsisiyaon, ay aking ilaladlad ang aking lambat sa kanila; akin silang ibabagsak na parang mga ibon sa himpapawid; aking parurusahan sila, gaya ng narinig sa kanilang kapisanan.[#Ezek. 12:13.; #Lev. 26:14, 39.]

13Sa aba nila! sapagka't sila'y nagsilayas sa akin; kagibaa'y suma kanila! sapagka't sila'y nagsisalangsang laban sa akin: bagaman sila'y aking tinubos, gayon ma'y nangagsalita ng kasinungalingan sila laban sa akin.[#Mik. 6:4.]

14At sila'y hindi nagsidaing sa akin ng kanilang puso, kundi sila'y nagsiangal sa kanilang mga higaan: sila'y nagpupulong dahil sa trigo at alak; sila'y nanganghimagsik laban sa akin.[#Jer. 3:10.]

15Bagaman aking tinuruan at pinalakas ang kanilang mga bisig, gayon ma'y nangagisip sila ng kalikuan laban sa akin.

16Sila'y nanganunumbalik, nguni't hindi sa kaniya na nasa kaitaasan: sila'y parang magdarayang busog: ang kanilang mga prinsipe ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak dahil sa poot ng kanilang dila: ito ang magiging katuyaan sa kanila sa lupain ng Egipto.[#Os. 11:7.; #Awit 78:57.; #Awit 73:9.; #Os. 9:3.]

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society