JOB 23

Ang ikawalong pagsasalita ni Job. Nais niyang magkaroon ng kaugnayan sa Panginoon.

1Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,

2Magpahanggang ngayo'y mapanghimagsik ang aking daing:

Ang bugbog sa akin ay lalong mabigat kaysa aking hibik.

3Oh mano nawang maalaman ko kung saan ko masusumpungan siya,

Upang ako'y dumating hanggang sa kaniyang likmuan!

4Aking aayusin ang aking usap sa harap niya,[#Job 13:18.]

At pupunuin ko ang aking bibig ng mga pangangatuwiran.

5Aking malalaman ang mga salita na kaniyang isasagot sa akin,

At matatalastas ko kung ano ang kaniyang sasabihin sa akin.

6Makikipagtalo ba siya sa akin sa kalakhan ng kaniyang kapangyarihan?[#Job 9:34; 13:21.]

Hindi; kundi pakikinggan niya ako.

7Doo'y makapangangatuwiran sa kaniya ang matuwid;

Sa gayo'y maliligtas ako magpakailan man sa aking hukom.

8Narito, ako'y nagpapatuloy, nguni't wala siya;

At sa dakong likuran, nguni't hindi ko siya mamataan:

9Sa kaliwa pagka siya'y gumagawa, nguni't hindi ko mamasdan siya:

Siya'y nagkukubli sa kanan, na hindi ko makita siya.

10Nguni't nalalaman niya ang daang aking nilalakaran;[#Awit 139:1-3.]

Pagka kaniyang nasubok ako ay lalabas akong parang ginto.

11Ang aking paa ay sumunod na[#Awit 44:18.]

lubos sa kaniyang mga hakbang.

Ang kaniyang daan ay aking iningatan, at hindi ako lumiko.

12Ako'y hindi humiwalay sa utos ng kaniyang mga labi;

Aking pinagyaman ang mga salita ng kaniyang bibig ng higit kay sa aking kailangang pagkain.

13Nguni't siya'y sa isang akala , at sinong makapagpapabalik sa kaniya?

At kung ano ang ninanasa ng kaniyang kaluluwa siya nga niyang ginagawa.

14Sapagka't kaniyang isinasagawa ang itinakda sa akin:

At maraming gayong mga bagay ang nasa kaniya.

15Kaya't ako'y nababagabag sa kaniyang harapan;

Pagka aking binubulay, ay natatakot ako sa kaniya.

16Dahil sa pinapanglupaypay ng Dios ang aking puso,[#Awit 22:14.]

At binagabag ako ng Makapangyarihan sa lahat:

17Sapagka't hindi ako inihiwalay sa harap ng kadiliman,[#Job 22:11.]

Ni tinakpan man niya ang salimuot na kadiliman sa aking mukha.

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society