MGA AWIT 1

UNANG AKLAT

Ang matuwid at ang masama ay pinagparis.

1Mapalad ang tao na hindi lumalakad sa payo ng masama,

Ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan,

Ni nauupo man sa upuan ng mga manglilibak.

2Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon;

At sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi.

3At siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig,[#Blg. 24:6.]

Na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan,

Ang kaniyang dahon nama'y hindi malalanta;

At anomang kaniyang gawin ay giginhawa.

4Ang masama ay hindi gayon; Kundi parang ipa na itinataboy ng hangin.[#Job 21:18; Awit 35:5; Is. 29:5.]

5Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa paghatol,[#Awit 5:5; Nah. 1:6.]

Ni ang mga makasalanan man sa kapisanan ng mga matuwid.

6Sapagka't nalalaman ng Panginoon ang lakad ng mga matuwid:[#Awit 37:18; Nah. 1:7; Juan 10:14.]

Nguni't ang lakad ng masama ay mapapahamak.

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society