MGA AWIT 127

Ang pananagana ay nagmumula sa Panginoon. Awit sa mga Pagsampa; ni Salomon.

1Malibang itayo ng Panginoon ang bahay,

Walang kabuluhang nagsisigawa ang nagtatayo:

Malibang ingatan ng Panginoon ang bayan,

Walang kabuluhang gumigising ang bantay.

2Walang kabuluhan sa inyo na kayo'y magsibangong maaga,

At magpahingang tanghali,

At magsikain ng tinapay ng kapagalan:

Sapagka't binibigyan niyang gayon ng pagkakatulog ang kaniyang minamahal.

3Narito, ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon:[#Gen. 33:5; Jos. 24:3, 4.]

At ang bunga ng bahay-bata ay kaniyang ganting-pala.

4Kung paano ang mga pana sa kamay ng makapangyarihang lalake,

Gayon ang mga anak ng kabataan.

5Maginhawa ang lalake na pumuno ng kaniyang lalagyan ng pana ng mga yaon:

Sila'y hindi mapapahiya,

Pagka sila'y nakikipagsalitaan sa kanilang mga kaaway sa pintuang-bayan.

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society