The chat will start when you send the first message.
1Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti:[#1 Cron. 16:34; Awit 118:1.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
2Oh mangagpasalamat kayo sa Dios ng mga dios:[#Deut. 10:17.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
3Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
4Sa kaniya na gumagawang magisa ng mga dakilang kababalaghan:[#Awit 72:18.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
5Sa kaniya na gumawa ng mga langit sa pamamagitan ng unawa:[#Awit 104:24; Kaw. 3:19.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
6Sa kaniya na naglalatag ng lupa sa ibabaw ng tubig:[#Gen. 1:6; Is. 42:5; 44:24; Jer. 10:12.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
7Sa kaniya na gumawa ng mga dakilang tanglaw;[#Gen. 1:14.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
8Ng araw upang magpuno sa araw:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
9Ng buwan at mga bituin upang magpuno sa gabi:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
10Sa kaniya na sumakit sa Egipto sa kanilang mga panganay:[#Ex. 12:29; Awit 78:51.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
11At kinuha ang Israel sa kanila: Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:[#Ex. 12:51; 13:3, 17.]
12Sa pamamagitan ng malakas na kamay, at ng unat na bisig:[#Deut. 4:34.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
13Sa kaniya na humawi ng Dagat na Mapula:[#Ex. 14:21, 22.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
14At nagparaan sa Israel sa gitna niyaon:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
15Nguni't tinabunan si Faraon at ang kaniyang hukbo sa Dagat na Mapula:[#Ex. 14:28.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
16Sa kaniya na pumatnubay ng kaniyang bayan sa ilang:[#Ex. 15:22.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
17Sa kaniya na sumakit sa mga dakilang hari:[#Hanggang tal. 22; Awit 135:10-12.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
18At pumatay sa mga bantog na hari:[#Deut. 29:7.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
19Kay Sehon na hari ng mga Amorrheo;[#Blg. 31:21, 24.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
20At kay Og na hari sa Basan:[#Blg. 21:33, 35.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
21At ibinigay ang kanilang lupain na pinakamana.[#Jos. 12:7.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
22Sa makatuwid baga'y pinakamana sa Israel na kaniyang lingkod:[#Awit 69:36.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
23Na siyang umalaala sa atin sa ating mababang kalagayan:[#Gen. 8:1; Deut. 32:36.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
24At iniligtas tayo sa ating mga kaaway:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
25Siya'y nagbibigay ng pagkain sa lahat ng kinapal:[#Awit 104:27.]
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
26Oh mangagpasalamat kayo sa Dios ng langit: