MGA AWIT 24

Ang hari ng kaluwalhatian ay pumasok sa banal na bundok. Awit ni David.

1Ang lupa ay sa Panginoon at ang buong narito;[#Ex. 9:29; Deut. 10:14; 1 Cor. 10:26, 28.]

Ang sanglibutan, at silang nagsisitahan dito.

2Sapagka't itinatag niya sa ibabaw ng mga dagat,[#Awit 136:6.]

At itinatayo sa ibabaw ng mga baha.

3Sinong aahon sa bundok ng Panginoon?[#Awit 15:1-5.]

At sinong tatayo sa kaniyang dakong banal?

4Siyang may malinis na mga kamay at may dalisay na puso;[#Awit 18:20-24; Is. 33:15, 16.; #Awit 73:1; Mat. 5:8.]

Na hindi nagmataas ang kaniyang kaluluwa sa walang kabuluhan,

At hindi sumumpa na may kabulaanan.

5Siya'y tatanggap ng pagpapala sa Panginoon,

At ng katuwiran sa Dios ng kaniyang kaligtasan.

6Ito ang lahi ng mga nagsisihanap sa kaniya,

Na nagsisihanap ng iyong mukha, sa makatuwid baga'y Jacob. (Selah)

7Itaas ninyo ang inyong mga ulo,

Oh kayong mga pintuang-bayan;

At kayo'y mangataas, kayong mga walang hanggang pintuan:

At ang hari ng kaluwalhatian ay papasok.

8Sino ang Hari ng kaluwalhatian?

Ang Panginoong malakas at makapangyarihan,

Ang Panginoong makapangyarihan sa pagbabaka.

9Itaas ninyo ang inyong mga ulo, Oh kayong mga pintuang-bayan;

Oo, magsitaas kayo, kayong mga walang hanggang pintuan:

At ang hari ng kaluwalhatian ay papasok.

10Sino itong Hari ng kaluwalhatian?

Ang Panginoon ng mga hukbo,

Siya ang Hari ng kaluwalhatian. (Selah)

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society