The chat will start when you send the first message.
1Awayin mo, Oh Panginoon, silang nagsisiaway sa akin:[#1 Sam. 24:16.]
Lumaban ka sa kanila na nagsisilaban sa akin.
2Humawak ka ng kalasag at ng longki,[#Awit 5:12.]
At tumayo ka na pinaka tulong sa akin.
3Kumuha ka rin naman ng sibat, at tumigil ka sa daan laban sa kanila na nagsisihabol sa akin:
Sabihin mo sa aking kaluluwa,
Ako'y iyong kaligtasan.
4Mangahiya nawa sila, at madala sa kasiraang puri ang nagsisiusig sa aking kaluluwa:[#Hanggang tal. 8; Awit 69:23-28; 109:6-15.]
Mangapabalik sila, at mangalito silang nagsisikatha ng aking kapahamakan.
5Maging gaya nawa sila ng ipa sa unahan ng hangin,[#Awit 1:4.]
At itaboy sila ng anghel ng Panginoon.
6Maging madilim nawa, at madulas ang kanilang daan,[#Jer. 23:12.]
At habulin sila ng anghel ng Panginoon.
7Sapagka't walang kadahilanan ay ipinagkubli nila ako ng kanilang silo sa hukay,[#Awit 9:15.]
Walang kadahilanan ay nagsihukay sila para sa aking kaluluwa.
8Dumating nawa sa kaniya ng walang anoano ang pagkapahamak;[#1 Tes. 5:3.]
At hulihin nawa siya ng kaniyang silo na kaniyang ikinubli:
Mahulog nawa siya sa ikapapahamak niya.
9At ang aking kaluluwa ay magagalak sa Panginoon:
Magagalak na mainam sa kaniyang pagliligtas.
10Lahat ng aking mga buto ay magsasabi, Panginoon, sino ang gaya mo,[#Ex. 15:11; Awit 71:19.]
Na inililigtas ang dukha doon sa totoong malakas kay sa kaniya,
Oo, ang dukha at ang mapagkailangan sa sumasamsam sa kaniya?
11Mga saksing masasama ay nagsisitayo;
Sila'y nangagtatanong sa akin ng mga bagay na di ko nalalaman.
12Iginaganti nila sa akin ay kasamaan sa mabuti,[#Awit 38:20; Jer. 18:20; Juan 10:32.]
Sa pagpapaulila ng aking kaluluwa.
13Nguni't tungkol sa akin, nang sila'y may sakit, ang aking suot ay magaspang na kayo:
Aking pinagdalamhati ang aking kaluluwa ng pagaayuno;
At ang aking dalangin ay nagbabalik sa aking sariling sinapupunan.
14Ako'y nagasal na tila aking kaibigan o aking kapatid:
Ako'y yumuyukong tumatangis na tila iniiyakan ang kaniyang ina.
15Nguni't pagka ako'y natisod sila'y nangagagalak, at nagpipipisan:
Ang mga uslak ay nagpipisan laban sa akin, at hindi ko nalaman;
16Gaya ng mga nanunuyang suwail sa mga kapistahan,
Kanilang pinagngangalit sa akin ang kanilang mga ngipin.
17Panginoon, hanggang kailan titingin ka?[#Hab. 1:13.]
Iligtas mo ang aking kaluluwa sa kanilang mga pagsira,
Ang aking sinta mula sa mga leon.
18Ako'y magpapasalamat sa iyo sa dakilang kapisanan:[#Awit 22:25.]
Aking pupurihin ka sa gitna ng maraming tao.
19Huwag magalak sa akin na may kamalian ang aking mga kaaway;
Ni magkindat man ng mata ang nangagtatanim sa akin ng walang kadahilanan.
20Sapagka't sila'y hindi nangagsasalita ng kapayapaan:
Kundi sila'y nagsisikatha ng mga magdarayang salita laban sa mga tahimik sa lupain.
21Oo, Kanilang ibinuka ng maluwang ang kanilang bibig laban sa akin;[#Awit 22:13.]
Kanilang sinasabi: Aha, aha, nakita ng aming mata.
22Iyong nakita ito, Oh Panginoon; huwag kang tumahimik,[#Awit 28:1.]
Oh Panginoon, huwag kang lumayo sa akin.
23Kumilos ka, at ikaw ay gumising upang gawan ako ng kahatulan,[#Awit 7:6.]
Sa aking usap, Dios ko at Panginoon ko.
24Hatulan mo ako, Oh Panginoon kong Dios, ayon sa iyong katuwiran;[#Awit 26:1.]
At huwag mo silang pagalakin sa akin.
25Huwag silang magsabi sa kanilang sarili: Aha, nasa namin:
Huwag silang magsabi: Aming sinakmal siya.
26Mangapahiya nawa sila, at mangalito na magkakasama ang mga nangagalak sa aking pagkapahamak:[#tal. 4.]
Manganamit nawa ng kahihiyan at kasiraang puri ang nangagmamalaki laban sa akin.
27Magsihiyaw nawa ng kagalakan, at mangasayahan, ang nagsisilingap ng aking katuwiran:
Oo, mangagsabi nawa silang palagi: Dakilain ang Panginoon,
Na nalulugod sa kaginhawahan ng kaniyang lingkod.
28At ang aking dila ay mangungusap ng iyong katuwiran,[#Awit 51:14; 71:24.]
At ng pagpuri sa iyo sa buong araw.