MGA AWIT 44

Sa Pangulong Manunugtog; Awit ng mga anak ni Core. Masquil.

1Narinig namin ng aming mga pakinig, Oh Dios,

Isinaysay sa amin ng aming mga magulang,

Kung anong gawa ang iyong ginawa sa kanilang mga kaarawan,

Ng mga kaarawan ng una.

2Iyong itinaboy ng iyong kamay ang mga bansa,[#Ex. 15:17; Deut. 7:1; Jos. 3:10; Awit 78:55.]

Nguni't itinatag mo sila;

Iyong dinalamhati ang mga bayan,

Nguni't iyong pinangalat sila.

3Sapagka't hindi nila tinamo ang lupain na pinakaari sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak,[#Deut. 8:11, 17; Jos. 24:12.]

Ni iniligtas man sila ng kanilang sariling kamay:

Kundi ng iyong kanan, at ng iyong bisig, at ng liwanag ng iyong mukha,

Sapagka't iyong nilingap sila.

4Ikaw ang aking Hari, Oh Dios:[#Awit 74:12.]

Magutos ka ng kaligtasan sa Jacob.

5Dahil sa iyo'y itutulak namin ang aming mga kaaway:[#Deut. 33:17.]

Sa iyong pangalan ay yayapakan namin sila na nagsisibangon laban sa amin.

6Sapagka't hindi ako titiwala sa aking busog.[#1 Sam. 17:47; Awit 33:16.]

Ni ililigtas man ako ng aking tabak.

7Nguni't iniligtas mo kami sa aming mga kaaway,

At inilagay mo sila sa kahihiyan na nangagtatanim sa amin.

8Sa Dios ay naghahambog kami buong araw,

At mangagpapasalamat kami sa iyong pangalan magpakailan man. (Selah)

9Nguni't ngayo'y itinakuwil mo kami , at inilagay mo kami sa kasiraang puri;[#Awit 60:1, 10; Hanggang tal. 22; Awit 89:38-45.]

At hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.

10Iyong pinatatalikod kami sa kaaway:

At silang nangagtatanim sa amin ay nagsisisamsam ng sa ganang kanilang sarili.

11Iyong ibinigay kaming gaya ng mga tupa na pinaka pagkain;[#Rom. 8:36.]

At pinangalat mo kami sa mga bansa.

12Iyong ipinagbibili ang iyong bayan na walang bayad,[#Deut. 32:30; Jer. 15:13.]

At hindi mo pinalago ang iyong kayamanan sa pamamagitan ng kanilang halaga.

13Ginawa mo kaming katuyaan sa aming mga kapuwa,[#Awit 79:4.]

Isang kasabihan at kadustaan nila na nangasa palibot namin.

14Iyong ginawa kaming kawikaan sa gitna ng mga bansa,[#Jer. 24:9.]

At kaugaan ng ulo sa gitna ng mga bayan.

15Buong araw ay nasa harap ko ang aking kasiraang puri,

At ang kahihiyan ng aking mukha ay tumakip sa akin,

16Dahil sa tinig niya na dumuduwahagi at tumutungayaw;

Dahil sa kaaway at sa manghihiganti.

17Lahat ng ito'y dumating sa amin; gayon ma'y hindi namin kinalimutan ka,

Ni gumawa man kami na may karayaan sa iyong tipan.

18Ang aming puso ay hindi tumalikod,

Ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;

19Na kami ay iyong lubhang nilansag sa dako ng mga chakal,[#Is. 34:73.]

At tinakpan mo kami ng lilim ng kamatayan.

20Kung aming nilimot ang pangalan ng aming Dios,

O aming iniunat ang aming mga kamay sa ibang dios;

21Hindi ba sisiyasatin ito ng Dios?[#Job 31:14; Awit 139:1.]

Sapagka't nalalaman niya ang mga lihim ng puso.

22Oo, dahil sa iyo ay pinapatay kami buong araw;[#Rom. 8:36.]

Kami ay nabilang na parang mga tupa sa patayan.

23Ikaw ay gumising, bakit ka natutulog, Oh Panginoon?[#Awit 7:6.]

Ikaw ay bumangon, huwag mo kaming itakuwil magpakailan man.

24Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha,[#Job 13:24; Awit 13:1.]

At kinalilimutan mo ang aming kadalamhatian at aming kapighatian?

25Sapagka't ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok:

Ang aming katawan ay nadidikit sa lupa.

26Ikaw ay bumangon upang kami ay tulungan,

At tubusin mo kami dahil sa iyong kagandahang-loob.

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society