MGA AWIT 6

Panalangin sa paghingi ng tulong sa panahon ng bagabag. Sa Pangulong manunugtog; sa mga panugtog na kawad, itinugma sa Seminoth. Awit ni David.

1Oh Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong galit,[#Awit 38:1.]

Ni parusahan mo man ako sa iyong mahigpit na sama ng loob.

2Maawa ka sa akin, Oh Panginoon; sapagka't ako'y naluluoy, Oh Panginoon, pagalingin mo ako; sapagka't ang aking mga buto ay nagsisipangalog.[#Awit 30:2; 41:4; 147:3.]

3Ang akin ding kaluluwa ay nababagabag na mainam:

At ikaw, Oh Panginoon, hanggang kailan?

4Bumalik ka, Oh Panginoon, palayain mo ang aking kaluluwa:

Iligtas mo ako alangalang sa iyong kagandahang-loob.

5Sapagka't sa kamatayan ay walang alaala sa iyo;[#Awit 30:9; 88:10-12; 115:17; Is. 38:18.]

Sa Sheol ay sinong mangagpapasalamat sa iyo?

6Ako'y pagal ng aking pagdaing; Gabigabi ay aking pinalalangoy ang aking higaan;

Aking dinidilig ang aking hiligan ng aking mga luha.

7Ang aking mga mata ay nangamumugto dahil sa kapanglawan;[#Awit 31:9.]

Tumatanda ako dahil sa aking lahat na kaaway.

8Magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kasamaan:[#Mat. 7:23; 25:41.]

Sapagka't narinig ng Panginoon ang tinig ng aking pagtangis.

9Narinig ng Panginoon ang aking pananaing;

Tatanggapin ng Panginoon ang aking dalangin.

10Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya, at mababagabag na mainam:

Sila'y magsisibalik, sila'y mangapapahiyang kagyat.

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society