MGA AWIT 65

Sa Pangulong Manunugtog. Salmo. Awit ni David.

1Ang kapurihan ay naghihintay sa iyo, Oh Dios, sa Sion:

At sa iyo'y maisasagawa ang panata.

2Oh ikaw na dumidinig ng dalangin,

Sa iyo'y paroroon ang lahat ng laman.

3Mga kasamaan ay nangananaig laban sa akin:

Tungkol sa aming pagsalangsang, ay lilinisin mo.

4Mapalad ang tao na iyong pinipili, at pinalalapit mo sa iyo ,[#Awit 33:12.; #Awit 4:3.]

Upang siya'y makatahan sa iyong mga looban:

Kami ay mangasisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay,

Ng iyong banal na templo.

5Sasagutin mo kami sa katuwiran sa pamamagitan ng mga kakilakilabot na bagay,

Oh Dios ng aming kaligtasan;

Ikaw na katiwalaan ng lahat na wakas ng lupa,

At nila na malayo sa dagat:

6Na naglalagay na matibay ng mga bundok sa pamamagitan ng kaniyang kalakasan;

Palibhasa't nabibigkisan sa palibot ng kapangyarihan:

7Na nagpapatigil ng hugong ng mga dagat,[#Awit 89:9; Mat. 8:26.]

Ng hugong ng kanilang mga alon,

At ng kaingay ng mga bayan.

8Sila naman na nagsisitahan sa mga pinakadulong bahagi ay nangatatakot sa iyong mga tanda:

Ikaw ang nagbibigay galak sa pagbubukang liwayway at pagtatakip-silim.

9Iyong dinadalaw ang lupa, at dinidilig mo,[#Deut. 11:12.; #Awit 68:9, 10; Jer. 5:24.]

Iyong pinayayamang mainam;

Ang ilog ng Dios ay puno ng tubig:

Iyong pinagtataanan sila ng trigo, pagka't inihanda mo ang lupa.

10Iyong dinidilig ang kaniyang bungkal ng sagana;

Iyong pinapantay ang kaniyang mga bungkal;

Iyong mga pinalalambot ng ambon;

Iyong pinagpapala ang pagsibol niyaon.

11Iyong dinudulutan ang taon ng iyong kabutihan;

At ang iyong mga landas ay pumapatak ng katabaan.

12Nagsisipatak sa mga pastulan sa ilang;[#Jer. 9:10.]

At ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan.

13Ang mga pastulan ay nangabihisan ng mga kawan;[#65:13 Is. 55:12.]

Ang mga libis naman ay nangatatakpan ng trigo;

Sila'y magsisihiyaw sa kagalakan, sila naman ay nagsisiawit.

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society