1Ibigay mo sa hari ang iyong mga kahatulan, Oh Dios,
At ang iyong katuwiran sa anak na lalake ng hari.
2Kaniyang hahatulan ang iyong bayan, ng katuwiran,[#Is. 11:3, 4; 32:1.]
At ang iyong dukha, ng kahatulan.
3Ang mga bundok ay magtataglay ng kapayapaan sa bayan,[#Awit 144:4; Is. 32:17.]
At ang mga gulod, sa katuwiran.
4Kaniyang hahatulan ang dukha sa bayan,
Kaniyang ililigtas ang mga anak ng mapagkailangan,
At pagwawaraywarayin ang mangaapi.
5Sila'y mangatatakot sa iyo habang nananatili ang araw,[#Awit 89:36, 37.]
At habang sumisilang ang buwan, sa lahat ng sali't saling lahi.
6Siya'y babagsak na parang ulan sa tuyong damo:[#2 Sam. 23:4.]
Gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.
7Sa kaniyang mga kaarawan ay giginhawa ang mga matuwid;[#Awit 92:12.]
At saganang kapayapaan, hanggang sa mawala ang buwan.
8Siya naman ay magtataglay ng pagpapakapanginoon sa dagat at dagat,[#Ex. 23:31; Awit 2:8.]
At mula sa Ilog hanggang sa mga wakas ng lupa.
9Silang nagsisitahan sa ilang ay magsisiyukod sa kaniya;[#Awit 74:14.]
At hihimuran ng kaniyang mga kaaway ang alabok.
10Ang mga hari ng Tharsis, at sa mga pulo ay mangagdadala ng mga kaloob;[#1 Hari 5:10; 10:22.; #Is. 42:10.]
Ang mga hari sa Sheba at Seba ay mangaghahandog ng mga kaloob.
11Oo, lahat ng mga hari ay magsisiyukod sa harap niya:
Lahat ng mga bansa ay mangaglilingkod sa kaniya.
12Sapagka't kaniyang ililigtas ang mapagkailangan pagka dumadaing;
At ang dukha na walang katulong.
13Siya'y maaawa sa dukha at mapagkailangan,
At ang mga kaluluwa ng mga mapagkailangan ay kaniyang ililigtas.
14Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa sa kapighatian at karahasan;
At magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kaniyang paningin:
15At siya'y mabubuhay at sa kaniya'y ibibigay ang ginto ng Sheba:
At dadalanginang lagi siya ng mga tao:
Pupurihin nila siya buong araw.
16Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa sa taluktok ng mga bundok;
Ang bunga niyao'y uugang gaya ng Libano:
At silang sa bayan ay giginhawa na parang damo sa lupa.
17Ang kaniyang pangalan ay mananatili kailan man;[#Awit 89:36.]
Ang kaniyang pangalan ay magluluwat na gaya ng araw:
At ang mga tao ay pagpapalain sa kaniya;
Tatawagin siyang maginhawa ng lahat ng mga bansa.
18Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel,[#Awit 106:48; Luc. 1:68.]
Na siya lamang gumagawa ng mga kababalaghang bagay:
19At purihin ang kaniyang maluwalhating pangalan magpakailan man;
At mapuno ang buong lupa ng kaniyang kaluwalhatian.
Siya nawa, at Siya nawa.
20Ang mga dalangin ni David na anak ni Isai ay nangatapos.